MAY chance pang mapanood hanggang bukas ang pelikulang Mga Anak ng Kamote na tinatampukan ni Katrina Halili with Alex Medina, Kiko Matos, Carl Guevarra, sa pamamahala ni Direk Carlo Enciso Catu.
Ito ay isang futuristic film na ang setting ay taong 2048, na ang kamote ay ipinagbabawal na tulad ng droga. Gumaganap dito si Katrina bilang babaeng naninirahan sa bundok na napilitang bumaba sa lungsod upang hanapin ang nawawalang asawa, na napagbintangang nagbebenta ng kamote.
Extended ang ToFarm Film Festival 2018 kaya mapapanood sa Gateway, Greenbelt 1, at Trinoma hanggang October 2 ang apat na entries dito. Bukod sa movie ni Katrina, extended din ang Tanabata’s Wife, SOL Searching, at Alimuom.
Ano ang challenge na na-feel niya habang ginagawa itong movie? “Mas mahirap pala iyong internal struggle kasi super close up pa, kailangan tama iyong lumalabas na emotions, hindi gaya kapag may ibang movement, mas madaling magalit o masaktan,” esplika ni Katrina.
Ipinahayag niyang masaya siya sa kinalabasan ng kanilang pelikula. “Yes, happy po ako sa movie. At least, iba naman po sa nakasanayan kong gawin. Kasi, puyat at pagod ‘yun, two weeks na two hours lang ang tulog ko. Nakatutuwa na may mga naka-appreciate sa ginawa namin, especially sa pagganap ko bilang si Iyong,” nakangiting saad ni Kat na napapanood ngayon sa afternoon primetime series ng GMA-7 na The Step Daughters.
Ayon kay Kat, gusto niyang mas maging active pa sa paggawa ng pelikula. ”Yes, gusto kong gumawa ng ibang character, happy nga ako everytime na may guesting ako na iba naman ang ginagawa ko. Gusto kong gumawa ako ulit ng movie, para makapag-explore naman,” aniya.
Pagdating sa kanyang love life, wala raw time rito sa ngayon ang aktres dahil mas nakatutok siya sa kanyang career. “Wala po. Wala, anak ko lang. Wala. No dating, wala. Busy rin po, e.”
Pero inilinaw ni Kat na ayaw naman niyang tumandang dalaga. “Pero, ayaw kong tumandang dalaga. Kung sakaling mayroon na, siya na. Kapag mayroon naman dumating, open naman ako. Pero wala pa rin,” saad ng magandang Kapuso actress.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio