MAHIGIT 400 katao ang iniulat na namatay sa 7.5 lindol na sinundan ng tsunami sa isla ng Sulawesi, Indonesia.
Umabot sa anim na metro ang taas nang humampas na alon at inanod ang mga residente kasama ang kanilang mga ari-arian.
Nagpahayag ng pakikiramay ang Filipinas sa kalunos-lunos na sinapit ng mga taga-Indonesia.
Naghahanda ngayon ang Filipinas sa pagpapadala ng tulong sa naturang bansa.
Sa pinakahuling ulat, patuloy ang search and rescue operation ng mga awtoridad sa mga nawawala pang kababayan makaraan ang malagim na insidente.
Nasa 350,000 katao ang nawalan ng tirahan matapos ang napakalakas na lindol at tsunami na humampas sa mga gusali at umanod sa mga bahay sa baybayin ng Palu.
Linggo ng umaga, Setyembre 30, iniulat ni Indonesian Disaster Management Agency spokesman Sutopo Purwo Nugroho na nasa 405 katao ang kompirmadong namatay sa insidente. Mahigit din sa 400 ang malubhang nasugatan.
Marami sa mga biktima ang natabunan ng mga gumuhong gusali at bahay. Naging mabagal ang paglikas sa mga residente dahil sa kakulangan ng heavy equipment at mga tauhan.
Nabatid sa ulat, gumagawa ng sariling daan ang mga nakaligtas na residente dahil natabunan na ang kalsada ng mga bato mula sa mga gumuhong gusali.
Agad din naputol ang komunikasyon at elektrisidad kaya’t hindi agad nalaman ang lawak ng pinsala sa Palu maging sa komunidad ng Donggala.
Ayon sa pinuno ng International Red Cross ng Indonesia na si Jan Gelfand, hindi lamang mga naninirahan sa urban ang apektado ng kalamidad. Naging mahirap din sa mga awtoridad na puntahan ang remote areas.
Sarado na ang Palu airport kaya’t gumagawa na lamang ng paraan ang relief workers upang maihatid ang relief goods sa mga apektadong lugar.
Isa ang Sulawesi sa pinakamalaking isla sa buong mundo at umaabot sa 10-12 oras bago makarating sa pinakamalapit na paliparan nito.
Samantala, nakiusap ang pamahalaan sa mga residente na huwag pumasok sa kanilang mga bahay at gusali.
Sirang-sira rin ang mga ospital kaya’t ginagamot ang mga biktima sa labas ng gusali.
Kasunod nito, nanawagan sa publiko si Dr. Komang Adi Sujendra, Director ng Undata Hospital sa Palu na magtulong-tulong upang magamot ang mga nasugatan sa insidente.
(JAJA GARCIA)