NAPANATILI ni Filipino champ Jerwin Ancajas ang IBF super flyweight title nito matapos ang kontrobersiyal na draw kontra sa karibal na si Alejandro Santiago ng Mexico sa kanilang laban sa Oracle Arena sa Oakland, California kamakalawa.
Bagamat lamang nang bahagya sa buong 12-round na bakbakan, nauwi sa tabla ang laban ng dalawa matapos ang desisyon ng mga hurado na 116-112, 118-111 at 114-114.
Ito na ang ikaanim na tagumpay na pagdedepensa sa kanyang titulo ni Ancajas sa loob ng dalawang taon at umangat na ngayon ang baraha sa 31 wins, 1 loss, 1 draw at 20 knockouts.
Ayon sa Compubox, lamang si Ancajas nang ga-buhok lamang sa lahat ng departamento lalo na sa kabuuang punches na naikonektsa sa kalaban.
Tumama ang 127 mula sa 589 na suntok ni Ancajas habang mayroong 108 na konekta mula sa 519 ni Santiago. Lamang din si Ancajas (27/218) sa power punches kontra kay Santiago na may 10 konekta lamang sa 182 buslo.
Bunsod nito, nakalinya na ang 26-anyos na si Ancajas sa malaking unification bout kontra sa WBO champion na si Srisaket Sor Rungvisai ng Thailand na isa sa pound-for-pound fighters ngayon.
Sa kabilang banda ay nahulog sa 16-3-4, 7KOs ang baraha ng 22-anyos na si Santiago.
Isang Pinoy pa ang nagwagi sa undercard ng naturang laban sa katauhan ni Genesis Servania na pinatumba sa third round ang Mexicano rin na si Carlos Carlson.
Umangat sa 32-1-1 15KOs si Servania habang dumausdos sa 23-5, 14KOs si Carlson.
ni John Bryan Ulanday