BUBUSISIIN ng Kamara ang budget ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO) imbes ibigay ang hiling nito na dagdagan ang pondo nila.
Ayon kay House Deputy Speaker Rep. Fredenil Castro ng Capiz ipina-defer nila ang pagdinig sa budget ng PCOO dahil hindi naman nito nagagastos nang maayos ang kanilang pondo.
“Kasi ‘yung absorptive capacity ang pag-uusapan ay nakikita naman natin na medyo bagsak din ito,” ani Castro.
Marami, aniyang, issue kaya pinababalik ang PCOO na kasama si Asec. Mocha Uson.
Ayon kay Castro maraming issue sa kanya, simula pa noong 2016 marami nang kapalpakan at mukhang nagpapatuloy itong kapalpakan hanggang ngayon.
“Hindi natin mapalalagpas dahil ginagamit ang pondo ng mga mamamayan, alam naman natin kung gaano kahirap kitain ng mamamayan ang kanilang suweldo at ipambabayad pa sa mga tax tapos ibibigay natin sa mga inefficient,” giit ni Castro.
Sa 13 Oktubre, sa pagbalik ng PCOO, “tatanungin ko siya roon sa ilang issues katulad ng ‘pepe-dede’ ‘yung nakita kong parang may korupsiyon doon sa ASEAN.
Ang isyu tungkol sa pambabastos sa mga deaf mute ay tatalakayin din sa pagdinig.
“Dati akong guro ng SPED at hindi katanggap-tanggap sa akin ‘yung pambabastos niya sa mga deaf and mute community at hindi ko ito mapapa-lagpas hangga’t hindi siya talagang mag-ano… harapin niya ang mga kongresista, harapin niya ang mga representante ng mga mamamayan kung worth nga ba siya na maging Asec o dapat na mag-resign na rin siya,” pahayag ni Castro.
(GERRY BALDO)