ANIM katao ang nasugatan, kabilang ang dalawang empleyado ng Department of Transportation (DOTr), nang magbanggaan ang dalawang maintenance vehicles ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 sa gitna ng Buendia at Guadalupe stations sa Makati City, kahapon ng madaling-araw.
Ginagamot sa VRB Hospital sa EDSA-Boni ang mga sugatan na sina Roger Piamonte, lineman at team leader, nagkaroon ng bali sa kanang balikat; Eric Anthony Cabab, driver-technician, nabalian sa kaliwang balikat, kapwa empleyado ng DOTr, habang minor injuries ang apat iba pa kabilang sina Randy Bolilan at Alex Lumico, kapwa guwardiya ng Kaizen Security Agency, pawang nilalapatan ng lunas sa nabanggit na pagamutan.
Ayon sa inisyal na ulat ng pamunuan ng MRT, bandang 3:00 am nang mangyari ang insidente sa pagitan ng Buendia at Guadalupe stations sa nasabing lungsod.
Bunsod ng insidente, hindi agad nakabiyahe ang mga tren ng MRT-3 dahil naantala sa paglalagay ng mga bagon sa riles hanggang 5:30 am, naging sanhi ng paghaba ng pila ng mga pasahero sa North Avenue station sa Quezon City. Dakong 6:15 am nang pasakayin sa tren ang mga pasahero.
(JAJA GARCIA)