AMINADO si Ken Chan na mas hirap siya sa papel niya bilang Boyet sa My Special Tatay kaysa papel niya rati bilang transgender sa Destiny Rose noong 2015.
Si Boyet ay may Mild Intellectual Disability with Mild Autism Spectrum Disorder.
“Mahirap siya dahil ang pagiging transgender po kasi, inaral ko po, ang pagiging babae, physically. And ang dami rin pong tumulong sa akin noon para magampanan ko ‘yung role sa ‘Destiny Rose.’”
Ang papel naman niya bilang si Boyet ay mahirap dahil kailangang mangggaling sa loob ang hugot.
“Para lumabas siya sa labas, sa pisikal, dahil mental disorder siya.
“Iyon ‘yung mahirap sa akin.”
Challenge rin kay Ken ang My Special Tatay dahil may mga teleserye na dati na nagpakita ng halos kaparehong tema tulad ng Niño (ni Miguel Tanfelix, 2014) at Little Nanay (ni Kris Bernal, 2015).
Gusto ng production team ng My Special Tatay na maiba ang kanilang atake sa teleserye.
“At mahirap siya sa akin, dahil for me personally, mas madaling i-act o ipakita sa mga tao ‘yung severe case, pero itong kondisyon ni Boyet na mild lang bilang aktor, mas mahirap po siyang ipakita sa mga tao dahil mild nga lang.
“Pero kailangan, mapansin nila na there’s something wrong.”
Pinanood muli ni Ken ang Niño at ang Little Nanay para alam niya kung ano ang mga hindi niya dapat gawin.
Parehong mahusay sina Kris at Miguel sa mga nabanggit na teleserye.
“Kaya na-pressure rin ako and na-challenge rin ako kung paano ko naman ipakikita sa ibang atake itong kondisyon ni Boyet.
“Ang pinaka-biggest challenge po na nangyari sa akin, ‘yung sa physical, eh. Paano niya ipakikita ‘yung mild case o condition niya nang mayroon siyang pinagdaraanan na problema, na kinikilig siya, na kinakabahan siya, natatakot siya paano niya ipakikita iyon ng hindi nagiging severe case ‘yung condition niya.
“Kailangan kong mag-stick sa mild. Na huwag akong lalampas sa boundary na ‘yun, may borderline ako dahil napaka-sensitive ng kondisyon na ‘to.”
Iyon ang pinag-iingatan nila sa serye.
“May nagtse-check po sa role ko, dahil mayroon akong limit kung hanggang saan lang po dahil once na medyo tumaas po ‘yung acting ko rito o baka maging severe case na siya at doon po kami puwedeng hanapan ng butas at mawala ako sa character ko.”
Pambalanse ang bago niyang show ni Ken sa buhay niya lalo pa nga at may kanser ang kanyang ama; may stage 2 cancer of the esophagus ang ama ni Ken na nadiskubre nito lamang July.
Rated R
ni Rommel Gonzales