UMABOT sa 29 ang bilang ng mga namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Ompong, ayon sa ulat ni Presidential Political Adviser Francis Tolentino, nitong Linggo.
Sa bilang na ito, 24 ang mula sa Cordillera Administative Region (CAR), ayon kay Tolentino sa press briefing sa Tuguegarao City, Cagayan.
Habang 13 indibiduwal ang hindi pa natatagpuan sa rehiyon.
“Ang marami po tayong casualty is Cordillera. Sa Cordillera po as I speak, we are still searching for 13 missing individuals. Areas po ng Itogon, Benguet and Mountain Province and parts of Baguio… Ang confirmed po ngayon na nasawi sa area ay 24 na. Karamihan po rito because of landslides, soil saturation, rainfall…” ayon kay Tolentino.
“We’re now ending the search and rescue operations. By tomorrow the rehabilitation should commence. Dapat ma-restore na ‘yung power lines, ‘yung tubig dito. I already expressed my condolences on your behalf, Mr. President… halos 29 na po tayo ngayon. Nakikiramay po tayo sa mga nasawi,” pahayag ni Tolentino kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagtungo sa Cagayan upang personal na makita ang pinsala ng bagyong Ompong.
Nauna rito, iniulat na 25 indibiduwal ang namatay dulot ng bagyong Ompong. Sa nasabing bilang ay iniulat na 20 ang namatay sa CAR, apat mula sa Nueva Vizcaya, at isa sa Ilocos Region.
Nagpahatid ng pakikiramay si Duterte sa mga kaanak ng mga namatay sa bagyo.
“I share the grief of the loved ones… I don’t know how it is an act of God but that is what it is called in insurance,” ayon kay Duterte.
Nagsagawa ang punong ehekutibo ng aerial inspection sa mga eryang pininsala ng bagyo.
Habang umabot sa mahigit 250,000 katao ang naapektohan ni Ompong.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo ng evacuation centers sa mga lalawigan na madalas tamaan ng bagyo upang hindi maapektohan ang klase bunsod nang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation centers tuwing may kalamidad.
Itinalaga ng Pangulo si Philippine Army Commanding General Lt/Gen. Rolando Bautista bilang pansamantalang tagapangasiwa ng National Food Authority (NFA) upang matiyak ang sapat na supply ng bigas sa mga lugar na tinamaan ni Ompong.
Sa darating na 15 Oktubre nakatakdang magretiro si Bautista.
Nagpahayag nang pagkadesmaya ang Pangulo sa land conversion, partikular ang pagkopo ng multinational company sa mga dating lupang sakahan para taniman ng kanilang produkto gaya ng Dole Philippines.
Sa susunod na buwan ay nais ng Pangulo na makipagpulong ang buong gabinete sa Kongreso upang talakayin ang suiranin sa bigas at mining.
Inaprobahan ng Pangulo ang paglalaan ng P15 bilyong contingency fund para sa mga nasalanta ng bagyong Ompong at sa mga susunod pang kalamidad hanggang sa katapusan ng 2018.
Sa pangkalahatan, kontento ang Pangulo sa naging aksiyon at pagtugon ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan laban sa pananalasa ng bagyong Ompong sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)