Walang Pinoy casualties sa bagyo at Lindol sa Japan
Jaja Garcia
September 7, 2018
News
INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Filipino na naapektohan nang matinding hagupit ng Typhoon Jebi sa bansang Japan.
Ayon sa DFA, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Tokyo at sa Philippine Consulate General sa Osaka.
Sa talaan, nasa 280,000 Filipino ang naninirahan sa lugar na hinagupit ng bagyo kaya hindi tumitigil ang ahensiya sa pagmo-monitor para sa kalagayan ng mga Filipino roon.
Panawagan ng DFA sa mga Filipino na mangangailangan ng tulong ng konsulada, tumawag sa +8180 4928 7979 at sa +8190 4036 7984.
Nagpaabot ng simpatya ang DFA sa Japan lalo sa pamilya ng mga namatay at nasugatan.
Samantala, mino-monitor din ng DFA kung may mga Filipino na naapektohan sa magnitude 6.7 lindol sa northern island ng Hokkaido na marami ang nasaktan at nasa 20 indibiduwal ang nawawala sa nasabing bansa.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Filipinas sa Tokyo, sa lider ng samahan ng mga Filipino sa Hokkaido, na may 1,800 residenteng Filipino ang naninirahan sa naturang isla.
Inaalam din ng embahada kung may turistang Filipino, at negosyante na bumisita sa Sapporo, Japan na naapektohan sa pagyanig.
Ang Sapporo ang ika-lima sa pinakamalaking siyudad sa Japan at kilala rin bilang tourist destination. Sinabi ni Ambassador to Japan Jose C. Laurel, wala pa silang natatanggap na ulat kung may Filipino na nawawala o nasugatan sa nangyaring insidente.
Nangyari ang pagyanig kahapon ng umaga na tumama sa Northern Island ng Hokkaido, at may mga naitala umanong nasugatan habang 20 ang nawawala.