NGAYON lang nangyari na inilampasong muli sa kita ng isang pelikulang Filipino ang mga palabas na pelikulang Ingles. Maliwanag din sa mga lumalabas na reports, at katunayan na sila ay palabas sa mahigit na 400 sinehan, na ang pelikula ng KathNiel ang siyang pinakamalaking pelikula sa taong ito, taob pati ang mga pelikulang dayuhan. Sa “actual gross”, hindi roon sa mga “press releases” lamang, iyang pelikulang iyan ngayon ang record holder ng industriya mula sa simula.
Ibig sabihin, kung ang pagbabatayan ay ang dami ng taong nanood, na base sa kinita ng pelikula. Mahirap mo kasing ikompara iyong kita lamang dahil isipin naman ninyo, mahigit na P200 na ang sine ngayon kung ikukompara ninyo sa P26 lang na bayad sa sinehan noon. Kaya kinukuwenta base sa bilang ng pumasok sa sinehan, na magagawa naman dahil alam kung magkano ang ibinayad ng bawat isa. Aba eh masasabing tinalbugan na nga ng KathNiel maski ang noon ay sinasabing hit na Guy and Pip, at maging ang pelikula nina Sharon Cuneta at Robin Padilla na siyang record holder bago itong The Hows of Us.
Pinirata pa iyang The Hows of Us. Nakakita na kami ng kopya sa Quiapo. Mayroon na ring naglo-load ng pelikula sa USB. Pero sa kabila ng pamimirata, pumapasok pa rin ang mga tao sa sinehan. Basta kasi gusto nila ang pelikula, gusto nilang mapanood iyon nang mahusay. Hindi sila makukuntento lang sa malabong pirated copy. Nakaaapekto lang ang piracy kung hindi naman talaga gusto ng tao ang pelikula at ok na kahit sa pirated mapanood lang. Kahit nga sa Facebook may pirated copies ng pelikula eh.
Pero ang nangyari kasi, nang mapanood nila sa Facebook, aba eh lalo nilang naisip na kailangan nilang panoorin ang pelikula ng KathNiel sa sinehan.
Nasaan na ngayon ang sinasabi nilang krisis sa industriya? Iyong krisis pala kung ganoon ay gawa lang din ng mga film makers na hindi marunong gumawa ng kumikitang pelikula.
HATAWAN
ni Ed de Leon