Amnestiya nagka-amnesiya?
John Bryan Ulanday
September 6, 2018
Opinion
IDINEKLARA ng Malacañang na walang bisa mga ‘igan ang ibinigay na amnesty kay Sen. Antonio Trillanes IV. Aba’y hindi malayong balik-bartolina itong si Mang Antonio kapag nagkataon!
Mantakin ninyo?!
Kahit nga ayon kay Director Andolong, mayroon namang application form si Mang Antonio. Ang problema’y hindi ito makita at mukhang nawawala, sus!
Ganoon pa man, ang ‘detention facility’ sa Camp Aguinaldo’y inihahanda na para sa posibleng pagkukulungan ni Sen. Trillanes. He he he…
Abangan ang pagkikita ni Trillanes at Delima sa rehas na bakal…
Kung ating babalikan mga ‘igan, itong si Sen. Trillanes ay nasangkot noon sa tinaguriang ‘Oakwood mutiny’ at ‘Manila Peninsula Siege.’ Kaya naman iginiit ng Malacañang na walang dapat sisihin si Mang Antonio kundi ang kanyang sarili, “The past finally caught up with Sen. Trillanes, he is responsible for his current state… kundi niya sana ginawa ang Oakwood… kung hindi niya sana ginawa ‘yung Manila Peninsula, wala po siyang ganitong mga kaso ngayon,” paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Sa kabilang banda’y may punto itong si Roque. Ngunit, ano’t ‘binabawi’ ang ‘iginawad’ na amnesty kay Trillanes? Hindi kaya politika ang pinaghugutan ng nasabing isyu? O, sadyang hindi umano sumunod sa requirements si Trillanes?
Nagkakagulo na! Ang kampo ni Sen. Trillanes ngayon ay naghahanda para kontrahin ang pagbawi sa amnestiya ng Senador. ‘Ika nila’y hindi maaaring basta-basta na lamang ipawalang bisa ang amnesty at higit sa lahat ang pagbawi sa amnesty ay hindi umano uubra kung pagbabatayan ang umiiral na batas sa kasalukuyan. Sabagay mga ‘igan…ngayon lang ako nakarinig na binawi ang amnesty. He he he…
Maging ang usaping ‘double jeopardy,’ ika nila’y hindi maaaring gamitin sa usaping pagbawi ng amnestiya ng palasyo.
Sinundan ito ng grupong Bayan, na naniniwalang walang legal na basehan ang pagpapawalang bisa sa amnestiya. At lalong hindi umano maaaring ibalik sa military at i-court martial si Mang Antonio, pagdidiin ng abogado ni Trillanes, sapagkat sa kasalukuya’y di na sundalo si Trillanes!
Sa pagbabanggaan ng dalawang bato, aba’y di aatrasan ni Trillanes si Ka Digong, “ Mr. Duterte, hindi ako natatakot sa ‘yo. Sana, hindi ka umalis para kang duwag n’yan! Bago mo ginawang isyu ito… lumayas ka muna para kunwari wala siyang kinalaman dito,” ani Sen. Trillanes.
Aba’y parang mga bata kung mag-away…
Sa ngayon mga ‘igan, kukuwestiyonin umano sa Korte Suprema ang nullification ng amnesty ni Sen. Trillanes. Maging ang pag-iisyu ng warrant of arrest kung dismissed na ang kaso, partikular ang kasong kudeta, bubusisiin din.
Sa isyung ‘warrant of arrest,’ kailangan umano ng warrant of arrest mula sa Korte para mapaaresto si Trillanes. Ang tanong, gaano pa kaya kapani-paniwala ang amnesty sa bansa? Tunay nga bang malaya ang hudikatura ng bansa?
NCRPO Chief Eleazar si Chairman sampolan
Sadyang tuloy-tuloy ang paglabag sa city ordinances, partikular sa mga barangay. Ngunit sino nga ba ang tunay na pasaway sa barangay? Dito sa Maynila, partikular sa parte at kahabaan ng Malate, Adriatico, Julio Nakpil at Remedios, aba’y nagkalat sa lansangan ang mga nag-iinuman pagkalat ng dilim. Mantakin n’yong sinasakop na ng mga bar ang kabuuang kalye para mapagbigyan ang sangkatutak nilang kostumers na pawang mga lasinggero’t may kasama pang pambabae. ‘Di magandang tanawin sa mga kabataan bagkus nakahihikayat pa ang maling bisyong ito.
Obstruction
ANG obstruction na ‘poolan’ at ‘bookis’ sa Juan Luna St. kanto ng Lerma, Gagalangin, Tondo, sus nasa bangketa na rin ang nasabing ‘Pool’ at ‘Bookis’ na pinagkakaabalahan ng mga tambay sa pustahan. Kinokonsinti umano ni Brgy 186 Zone Chairman Rene Maslog, kasabwat si Pulis ‘tongpats.’
Sadyang malakas ang kitaan, ‘di ba ‘Che?
Okey lang ba itong katarantadohan ng mga barangay chairman? Aba’y magkanong halaga’t walang takot ang operasyon ng mga may-ari ng ‘bar’ sa katiwaliang ito?
Paging, NCRPO Chief Guillermo Eleazar! Sir, baka natutulog po sa pansitan si police commander n’yo …sa Malate. Nawa’y masampolan ang mga tiwaling barangay officials partikular sa Malate, Adriatico, Julio Nakpil at Remedios, nang manumbalik ang kaayusan at katahimikan sa nasabing mga lugar.
Go go go Chief Eleazar!
*****
Abangan…ang magandang programa’t proyekto ni bagong halal Brgy. Salawag Chairman Vic-Vic Topacio ng Dasma.City, Cavite…