KUMITA ang pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ng mahigit na P116-M sa loob ng tatlong araw lamang. Sa kanilang ikaapat na araw, palabas na sila sa 465 na mga sinehan sa buong Pilipinas. Ibig sabihin talagang matindi.
Iibahin namin ng kaunti ang punto ng usapan. Ang kinita ng isang pelikula, The Hows of Us, sa loob ng tatlong araw ay mas malaki pa kaysa kinita ng walong pelikulang sabay-sabay na ipinalabas sa lahat ng sinehan sa buong Pilipinas noong may Pista ng Pelikulang Pilipino. Aba eh hindi dapat na tinatawag na pista iyan dahil napakalungkot na pangyayari iyan. Ang pista iyong masaya, hindi malungkot.
Inamin din mismo nila na matapos lamang ang dalawang araw, may mga sinehang inalis na ang mga pelikulang kasali sa kanilang pista at nagpalabas na ng pelikulang Ingles. May kasunduan pala na ang mga pelikulang Ingles ay makapapasok lamang sa mga sinehang 3D o Imax, dahil wala naman silang pelikulang ganoon ang quality. Pero hindi nasunod iyon, at hindi mo masisisi ang mga sinehan dahil wala talagang nanonood ng kanilang mga pelikula.
Sasabihin ninyo ngayon may krisis? Eh bakit iyang pelikula nina Daniel at Kathryn kumikita ngayon ng ganyan kalaki? Isa lang ang sagot diyan. Mayroon silang mga sikat na artista na gustong mapanood ng masa. Ang pelikula nila ay may kuwentong gustong malaman ng masa. Maliwanag din na ang nagdadala ng pelikula ay ang masa, hindi iyong mga nagpapa-intellectual na mga estudyante na sinasabing nakaiintindi ng “artistic” na pelikula.
Ibig sabihin, hindi umuusad ang industriya ng pelikula kasi ang gumagawa ng mga pelikula ay punompuno ng pretensiyon at hindi matanggap na hindi ang pelikula nila ang gustong panoorin ng masa, at hindi nila mapipilit ang mga taong panoorin ang mga pelikula nila, kahit na kopohin pa nila lahat ng sinehan. Para lang iyang gamot na pampurga. Sinasabi nila maganda sa katawan. Pero ang gusto ng bata ay candy, hindi gamot na pampurga. Ayaw ng mga tao ng bukbok rice.
HATAWAN
ni Ed de Leon