PINAGBIBITIW kahapon ni House Appropriations Committee chair Rep. Karlo Nograles ang National Food Authority (NFA) administrator na si Jason Aquino kung hindi niya magagawan ng aksiyon ang pagtaas ng presyo at pagkukulang ng bigas sa merkado.
Nakababahala, ani Nograles, “ang sitwasyon ng rice supply sa bansa pagkatapos nitong ikutin ang ilang mga palengke sa Cagayan de Oro City.
Kinagat ni Nograles ang hamon ni Aquino sa mga kongresista na umikot sa bansa at tingnan ang mga isyu patungkol sa bigas.
Ayon kay Nograles, masyadong mataas ang presyo ng bigas sa Cagayan de Oro sa kadahilanang binawasan ng NFA ang supply nito mula 100 sako kada linggo at ibinaba sa 25 sako bawat outlet.
Ani Nograles, inilipat ng NFA ang supply sa Zamboanga Peninsula.
Wala na aniyang pagpipilian ang mga taga-Cagayan de Oro kundi bumili ng mahal na commercial rice.
“Sabi ng rice retailers dito, kahit linggo-linggo ang pag-akyat ng presyo ng rice suppliers, walang magagawa ang mamamayan. Kailangan nilang kumain. Pati rice retailers mismo nagrereklamo kasi siyempre kada increase sa presyo karagdagang kapital ang kailangan nilang ilabas,” ani Nograles.
Nagbabala si Nograles, base sa reports na natanggap niya, na tataas pa ang presyo ng bigas bago dumating ang panahon ng pag-ani sa Setyembre.
“Noon kasi pag maraming supply ng NFA rice, kapag bumabaha ang supply ng NFA rice sa palengke hindi nadidiktahan ng middleman ang presyo ng commercial rice kasi may choice ang mamimili. Pag walang choice dahil walang NFA rice, kawawa talaga ang mga tao,” dagdag niya.
“This is the domino effect of the NFA’s actions, or lack thereof. Pinagsasamantalahan nila ang mamamayan. Mga probinsiyano ang unang tinatamaan,” pahayag ni Nograles.
Kaugnay nito, tinawag ni Rep. Jose Panganiban, Jr., ng party-list ng National Coalition of Indigenius Peoples (ANAC-IP), na iresponsable ang mga opisyal ng NFA para sabihin na puwede pa kainin ang binubukbok na bigas ng NFA.
“Hindi naman ako palo doon sa statement ng NFA na puwede mong ipakain ‘yung nagbukbok na bigas,” ayon kay Panganiban.
Ani Panganiban ang Department of Agriculture ang nangangasiwa sa inspeksiyon ng bigas at bago lumabas ang kargamento sa Customs, dapat may certificate mula sa DA na fit for human consumption ito.
“Kapag ini-certify ng DA na puwedeng kainin. Pero ‘di ba, nakakatakot kainin ‘di ba?”ani Panganiban.
Ang solusyon sa problema ng bigas, aniya, ay pagpapalago ng produksiyon ng bigas.
“Kapag ini-develop ‘yung local rice production, hindi tayo mamomroblema sa bigas,” aniya.
Kulang rin aniya ang suporta ng gobyerno sa rice farmers na P9 billion lamang ang napupunta sa mga magsasaka ng palay mula sa P60 bilyong pondo na nasa DA.
ni Gerry Baldo