NILASING muna bago pinagsamantalahan ang isang babaeng welder ng isa sa itinuring niyang mga kaibigan sa Navotas City, kahapon ng madaling-araw.
Nakapiit sa Navotas police detention cell ang suspek na kinilalang si John Robert Neosana, 21, construction worker, residente sa Block 6, Lot 18, Ignacio St., Bacog, Brgy. Daanghari, ng nasabing lungsod, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8353 o Anti-Rape Law.
Sa tinanggap na ulat ni Navotas police deputy chief for administration, Supt. Ferdinand Balgoa, inimbita ng kanyang mga kaibigan ang biktima na itinago sa pangalang Sheena, 21-anyos, sa inoman sa Block 7, Lot 30, Ignacio St., kamakalawa ng gabi.
Dahil mga kaibigan ang nag-imbita ay pinaunlakan ni Sheena sa paniwalang hindi siya malalagay sa kapahamakan.
Makaraan ang mahabang inoman, nalasing at nakatulog ang biktima sa bahay ng kaibigan hanggang magising pasado 12:00 am nang maramdamang may nakapatong sa kanyang katawan at wala na siyang saplot.
Dahil sa labis na kalasingan, hindi nakapanlaban ng biktima kaya’t nailugso ng suspek ang kanyang puri.
Makaraan ang panghahalay, humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod na sina Florencia Saguman, Eusema Delima at Danilo Basal na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
(ROMMEL SALES)