SINAMPAHAN ng opposition congressmen ng impeachment complaints ang pito sa walong mahistrado ng Korte Suprema na bumoto para mapatalsik sa puwesto si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Inireklamo ng culpable violation ng Constitution at betrayal of public trust sina Justices Teresita de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Andres Reyes, Francis Jardeleza, Noel Tijam at Alexander Gesmundo.
Hindi isinama sa reklamo si Ombudsman Samuel Martires dahil hindi na siya nakaupong associate justice ng SC.
Ayon sa mga mambabatas, nilabag umano ng mga naturang mahistrado ang Konstitusyon nang alisin nila sa puwesto si Sereno sa pamamagitan ng quo warranto, kahit alam nila na tanging sa impeachment proceeding lamang dapat alisin sa puwesto ang punong mahistrado.
Inakusahan din sina De Castro, Peralta, Bersamin, Tijam at Jardeleza ng betrayal of public trust dahil sa tumanggi silang mag-inhibit sa petisyon ng quo warranto, sa kabila ng kanilang umanong hinanakit at hindi pagiging patas kay Sereno.
Kabilang sa mga naghain ng reklamo laban sa mga mahistrado sina Albay Rep. Edcel Lagman, Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, Ifugao Rep. Teddy Baguilat, at Akbayan party-list Rep. Tom Villarin. (HNT)