HINDI pa rin malulutas ang patong-patong na problema ng subscribers sa ginagamit nilang telco.
Ang higit na masakit, hindi magkakaroon ng 3rd Telco na mapagpipilian o malilipatan ang mga subscriber dahil malabo na itong matuloy.
Nabatid ito nang mabuyangyang na wala nang frequencies (o karagdagang signal) na maibibigay ang National Telecommunication Commission (NTC) at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa New Major Player (NMP) dahil ang pagpapalawak ng frequencies ay nakabinbin sa mga kaso sa Supreme Court.
Sa obserbasyon ng isang fund manager, “Ito ang hindi sinasabi ng NTC at DICT at tulad na rin sa lagay ng Telstra, hindi ito magiging makatotohanan, lalo sa foreign investors,”
Hiniling ng fund manager na itago muna ang kayang pagkakakilanlan dahil sa maselang usapin ng seguridad.
“Kung kaya ang isang matino, abot kaya’t komprehensibong serbisyo ng isang telco ay malabong matuloy.”
Aniya, tiyak na maaantala ang NMP dahil sa kakulangan ng malinaw na direksiyon mula sa NTC at sa DICT sa dalawang nabinbin na kaso sa Korte Suprema ukol sa telcos.
Matatandaan, isang kaso ang pending tungkol sa frequencies na naibenta ng San Miguel Corporation sa duopoly – Globe at Smart, na ang Philippine Competition Commission mismo ang nagtanong sa korte kung ito ay may karapatang mag-review sa P69.1 bilyong buy out deal.
Ukol ito sa 700 MHz na napunta sa duopoly sa tinatawag na co-use agreement (o pagkakasundo ng dalawang higanteng telco) alinsunod na rin sa plano ng NTC.
Ang pangalawang kaso ay ukol sa 2.5 GHZ na frequency o kilala bilang 3G frequency cases na nakabinbin pa rin sa Korte Suprema. Hindi puwedeng magkaroon ng bidding para sa NMP kung hindi mareresolba ang mga kasong ito dahil ang draft Terms of Reference (TOR) ng DICT at NTC ay hindi umano makatotohanan.
Hindi sinasabi ng pamahalaan na may mga pending na kaso ang frequencies na nais nilang ibigay sa 3rd telco,” ayon sa isang nagsusuri sa TOR na inilabas ng DICT-NTC.
Aniya, “Sinong investor ang papatol diyan e walang kalinawan kung anong frequencies ang ibinibigay?”
HATAW News Team