READ: Aitakatta-Gustong Makita debut single ng MNL48, mapapakinggan na!
KASALUKUYANG humahataw sa takilya ang The Day After Valentine’s. Ito ang entry nina Bela Padilla at JC Santos sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na mapapanood hanggang August 21 sa lahat ng sinehan, nationwide.
Maganda ang pelikulang ito ni Direk Jason Paul Laxamana, na mas lalo pang gumanda sa theme song nitong Akala na si Marion Aunor ang kumanta at nagsulat.
Swak na swak ang nilikhang kantang ito ni Marion, pati na ang rendition niya sa pelikulang ito nina Bela at JC.
Unang dinig pa lang namin sa Akala ay sinabi na agad namin kay Marion na may bagong winner na naman siyang nilikha.
Sa panayam namin kay Marion recently, nalaman namin na pati si Xian Lim ay ginawan din niya ng kanta. Pinamagatan itong Heto Na, na magkakaroon ng launching sa August 17 at magiging available sa digital stores.
Inusisa namin siya kung paano ide-describe ang kantang Heto Na?
Wika ni Marion, “It’s about finding love after giving up on love. So, parang gigisingin na niya ulit ‘yung puso niya dahil nahanap na niya ‘yung tamang person na para sa kanya.”
Ano ang masasabi niya kay Xian? “Very talented po si Xian and very down to earth during the whole process,” nakangiting saad ni Marion.
Nalaman din namin sa kanya na sina Sarah Geronimo at Regine Velasquez ang wish niyang susunod na magawan ng kanta.
Ipinaliwanag ni Marion kung bakit, “I admire them both. Si Ms. Regine, since grade school pa lang ako fan na po ako. Si Ms. Sarah naman po parang Beyonce ng Philippines. Ang galing po niya and ang pag-evolve ng music niya.”
So, mag-e-effort o maglalaan ka ba ng time para magawan mo ng kanta sina Sarah and Regine?
“Kung mabibigyan po ng opportunity siyempre po mag-effort po ako para makasulat ng best song that I can for them. Siguro po, kung meant to be naman po iyon, mangyayari po iyan,” masayang saad ng talented na singer/songwriter.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio