IPINASA ng Bureau of Customs (BOC) sa Philipine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ang kustodiya ng P37.3 milyong halaga ng ilegal na droga na nasabat kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinabibilangan ng 5,239 gramo ng shabu na itinago sa baby carrier, camera, finance magazines at bar tools ang ipinasa ng Customs sa PDEA.
Habang ang 1,003 pirasong nakompiskang ecstacy ay natagpuan sa wooden toys, ayon kay Customs District Collector Carmelita Talusan.
Ani Talusan, ang pagkakahuli ng droga ay sanhi ng inisyatiba at five-point program ni Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Nasabat rin ang shabu na ipapadala sa New Zealand, tatlo ang nagmula sa United States, habang ang ecstacy ay galing sa Germany.
Sinabi ni Lapeña, patuloy ang bureau sa pagsuporta sa anti-drug campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte at patuloy din ang pagbabantay at proteksiyon sa borders.
(GMG)