KADALASAN itinuturong utak ng katiwalian sa isang ahensiya ng gobyerno ang lider. Hindi lahat. Kung mapanuri lamang tayo, ang mga tiwali o corrupt ay nasa mga naghahawak na ng bulok na sistema na kanilang naperpekto sa tagal ng panahon na kanilang inilatag at minamanipula. Sila ang mga dalubhasa ng kulimbatan.
Dapat ang mga ganitong kawani ng gobyerno ay kalusin na dahil walang kadala-dala sa mga delubyong dinaanan ng kanilang ahensiya. Kumbaga sa droga, lulong na at pilit nila itong binubuhay mapataba lamang muli ang kanilang bulsa, matustusan lang ang kanilang bisyo o nakasanayan nang luho sa buhay sa ngalan ng pangungulimbat.
Kaya hindi natin masisisi di Digong kung paulit-ulit niyang sinasabi, galit siya sa mga tiwali o corrupt sa gobyerno at hindi niya sasantohin sinoman na sibakin sa puwesto at sampahan ng kasong administratibo at kriminal kapag gumagawa nito. Ako man ay napapailing na lamang sa mga natitira at nadadagdag pang mga tiwali sa gobyerno.
Hindi sila mawawala sa alinmang ahensiya ng gobyerno kung walang “political will” at “kamay na bakal” ang isang namumuno. Pero kung tiwali o corrupt din siya, walang pagbabago! Dapat lamang na sila’y hambalusin ni Digong.
Nitong mga nakaraang araw ay may nakakuwentohan akong kawani at mataas ang katungkulan sa isang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC). Malalim ang kanyang mga hugot at hindi na ako nagtaka pa kung bakit. Mistulang nilulumot na umano ang kanilang budget sa advertisement dahil ayaw na nilang masadlak muli sa kontrobersiya. Takot nang gumastos dahil sa umiiral pa ring bulok na sistema sa loob ng kanilang ahensiya. Sabagay, hindi na bago na mayroong nakakasuhan at nakukulong dahil sa katiwalian pero mayroon ding hindi natututo sa karanasan, wala nang takot kung makakulimbat. Naisabuto na nila.
Buti pa sila natututo, may takot at konsensiya. Nalaman ko rin na sa laki ng kanilang ahensiya ay kulang na kulang din sila sa kaalaman kung paano gawin ang isang makabuluhan at epektibong media plan upang hindi masayang ang buwis ng mamamayan. Humanga ako sa kababaang-loob niya dahil gustong matuto upang lubos nilang maintindihan at magamay ang dinamismo ang media, lalo na ang traditional media, upang makagawa ng tamang sistema kung paano gastusin ang pondo.
Magaan sa pakiramdam para paglaanan ng panahon ang mga ganitong tauhan ng ahensiya ng gobyerno, maalam pero aminadong hindi pa sapat ang kanilang nalalaman upang mahusay na makapagsilbi sa gobyerno at sa mamamayan.
Sa mga corrupt o tiwali, mabubuko din kayo at hahambalusin kayo ni Digong.
BAGO ‘TO!
ni Florante Solmerin