PATAY ang isang barangay chairman makaraan pagbabarilin ng hindi kilalang riding-in-tandem habang nakaupo sa labas ng outpost ng Brgy. 28, Zone 4, sa Pasay City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Binawian ng buhay bago idating sa Pasay City General Hospital dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ang biktimang si Jovie Decena, 47, chairman ng Brgy. 28, at residente sa 182 Toyo Compound, Villaruel St., sa naturang lungsod.
Ayon sa report na natanggap ni Pasay City police chief, S/Supt. Noel Flores, nangyari ang pamamaril sa barangay outpost sa Villaruel St., dakong 10:30 ng gabi.
Sinabi ni Barangay Kagawad Federico Mandue, magkatabi silang nakaupo ng biktima at nagkukuwentohan nang sumulpot ang riding-in-tandem na may takip ang mukha at pinagbabaril si Decena.
Dahil sa takot, tumakbo si Mandue at nagtago sa isang bahay. Makaraan ang walong putok ng baril ay tumakas ang mga suspek sa hindi nabatid na direksiyon. Isinugod ang biktima sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi umabot nang buhay.
Si Decena ay second term na bilang tserman habang ayon kay Mandue, wala siyang alam na may nakaaway ang biktima at hindi rin sangkot sa droga.
(JAJA GARCIA)