LAHAT ng bagay ay kailangang ginagawa ng ‘in moderation’ — ‘ika nga, sa isang kasabihan ay ‘masama kapag sobra.’
Naging totoo ito para kay Miss International 2013 Bea Rose Santiago makaraang ipaalam niyang may sakit siya ngayon na chronic kidney disease, at dahil ito sa sobrang workout.
At ayon kay Santiago, nakadagdag pa sa kanyang problema ang sobrang pre-workout drinks at intense exercise regime para lalo pang lumala ang kanyang karamdaman.
Nag-post ang dating beauty queen ng serye ng mga kuwento sa Instagram bilang update sa kanyang mga follower para ipagbigay-alam ang kalagayan.
Kinompirma nito na may sakit siya:”My kidneys are more sensitive than a normal late 20s woman. I can’t (sic) overdo things and I just found out. Came to the hospital for my severe migraines and we found something potentially more dangerous.”
“I’m thankful but at the same time really scared,” dagdag niya.
At nagpaalala si Santiago: “Guys, if you take pre-workout [drinks] and et al plus heavy workout be careful! Apparently there are many more like me! We damaged our kidneys because of our gym life!”
Bago palitan umano ang inyong diet, ipinayo niyang tiyakin na wala silang “masasamang health history problems” at komunsulta muna sa isang doktor na mapagkakatiwalaan.
Big deal dito sa Filipinas ang mga beauty pageant at ang pagwawagi ng isang major international title ay maaaring makapagbukas ng mga pintuan ng opportunidad, kung kaya maraming kababaihan ang nagsasanay para lang magkaroon ng tsansang makasungkit ng korona ng isang beauty contest.
Sumusunod din sila sa estriktong diet routine at masinsing fitness regimen para masigurong nasa ‘fighting form’ sila. Ganito ang kaso ni Santiago ngunit may babala din na maaaring humantong sa hindi maganda kung sosobrahan natin ang mga bagay-bagay para makamit ang ating ambisyon.
Paalala ni Santiago, dapat umano ilagay sa ayos ang lahat ng ating ginagawa.
ni Tracy Cabrera