Ang kontrobersiyal na ‘pork barrel’ na kinasangkutan ng reyna nitong si Janet Lim Napoles at ibang mga mambabatas ay wala na aniya sa Kongreso ngayon.
Ayon kay Deputy Speaker Fredenil Castro, ang sistema ng pork barrel ay ‘lumisan’ mula nang ipinagbawal ng Korte Suprema.
Ang kapalit nito, ani Castro, ay mga proyekto mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kagaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ani Castro, ‘pag may kailangan ang mga kongresista sa kanyang distrito, sila ay hihingi sa mga sangay ng gobyernong may hawak ng pondo para rito.
Sa panahon ng pagka-presidente nina Benigno Aquino, Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay speaker na, panahon ni Erap Estrada at Ramos, ang mga kongresista at mga senador ang may hawak ng pondo ng kanilang mga distrito at ang pasya kung saan ito gagastusin ay nasa kanila.
Ngayon, nagbago na ang proseso, ang pondo ng mga proyekto ay nakalaan na sa budget ng bawat departamento ng gobyerno habang ginagawa pa lamang ang budget ng bawat ahensiya o sangay ng gobyerno.
Ayon sa sources sa Kamara, ang pondo ng bawat kongresista na nagkakahalaga nang hindi kukulangin sa P70-milyon ay nakapaloob sa mga ahensiya na magsasagawa ng proyekto nila.
Ang malakas umano sa ‘panginoon’ at nakakukuha nang ‘sobra-sobra pa’ kaysa mga kasamahan nila sa Kamara.
Noong nakaraang mga administrasyon, may mga kongresista na walang pondo, lalo na iyong mga kritiko ng administrasyon.
Ngayon, ani House Majority Leader Rolando Andaya, lahat ng kongresista ay may pondo para sa distrito.
“It’s not PDAF (Priority Development Assistance Fun) but a regular allocation na ang government infrastructures ay talaga namang mini-maintain ang mga kalsada, mga tulay at iba pa. Kaya kung magsasabi ka na hindi ka zero, ibig sabihin mame-maintain nang maayos ang mga kalsada because the DPWH naman ay mayroong maintenance fund ‘yan para manatiling maayos ang mga infrastructure projects ng gobyerno sa iyong distrito,” ani Castro.
(GERRY BALDO)