MAGING ang Hollywood ay nabulabog na rin sa isinusulong na drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-courtesy call kay Pangulong Duterte kamakalawa ng gabi si Holywood actor-producer Stephen Baldwin sa Grand Hyatt Hotel sa Bonifacio Global City, Taguig City.
Sinabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na pinuri ni Baldwin ang mataas na trust rating ng Pangulo ay patunay aniya ng matagumpay na pamumuno sa bansa.
Tugon ng Pangulo kay Baldwin, ginagawa lamang niya ang pangako niya sa taongbayan na malabanan ang patuloy na paglaganap ng ilegal na droga sa bansa, pagsawata sa mga insidente ng korupsiyon at paniniguro sa kapayapaan at seguridad ng bansa.
Si Baldwin ay isa sa lead actors ng pelikulang may pamagat na ”Kaibigan,” na hango sa istorya ng anti-drug campaign na magkakaroon ng international screening sa Oktubre.
Kasama sa pelikula si dating Tourism Promotions Board chief Cesar Montano, PCOO Asec Mocha Uson, at maging si Go na may extra role bilang coach.
Sinabi ni Uson, isang malaking hamon para sa kanya ang pagganap na isang journalist sa pelikula dahil base sa kanyang karanasan sa pagko-cover kay Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang Malacañang Press Corps, hindi madali ang pagiging reporter.
Pagkatapos kasi aniya ng isang interview, kinakailangan magsulat ang mga journalist dahil sa deadline.
Sa ngayon aniya ay wala pang script o briefing para sa kanyang role bilang journalist.
Ayon kay Baldwin, isa sa mga dahilan sa paggawa ng pelikulang “Kaibigan” ay para maiparating sa mga kabataan ang maaaring kahihinatnan nila sa maling desisyon sa buhay.
Samantala, binigyan din ni Baldwin si Pangulong Duterte ng libro na may titulong “The Unusual Suspect,” isang auto biography ng kaniyang outlook sa buhay at commitment sa Panginoon.
Nangako ang pangulo na babasahin niya ang libro kapag nakakita siya ng libreng oras.
(ROSE NOVENARIO)