READ: Suarez inilaglag ng ‘sariling boto’
SI House Speaker Gloria Macapagal Arroyo umano ang tatapos sa away sa kung sino ang tatayo na minorya sa Kamara.
Sa regular na press conference, sinabi ni Quezon Rep. Danilo Suarez, ang nananatiling minority leader, naniniwala siya na siya ang pipiliin ni Arroyo bilang minority leader.
“At the end of the day the speaker prevails (Sa huli ang speaker ang mananaig),” ani Suarez.
Naniniwala rin daw siya na magsasalita na si Arroyo para lutasin ang girian sa puwesto.
Ani Suarez, talo na ang mga nangangarap na maging minorya sa Kamara.
Kinilala aniya siya sa Bicameral Conference Committee Hearing sa Coco Levy Fund Bill na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar bilang pinuno ng minorya.
Sa panig ni Rep. Alfredo Garbin ng Ako Bicol, ang kanilang pagkamalapit kay Speaker Arroyo ay hindi puwedeng maging basehan para itaboy sila sa minorya.
Kung iyan daw ay ang pag-uusapan, si Marikina Rep. Miro Quimbo daw ay malapit kay Arroyo dahil ipinuwesto siya bilang pinuno ng Pag-ibig Fund noong panahon na presidente pa ang speaker.
Ayon kay Garbin, mas marami na sila kaysa grupo ni Quimbo pagkatapos magpahayag ng pagsanib ang 10 kongresista na sasama sila sa grupo ni Suarez.
Aniya magiging 26 na sila mula sa 16.
ni Gerry Baldo