SINIBAK ng Palasyo sa serbisyo si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang dahil sa graft and corruption at betrayal of public trust.
Ang desisyon ng Office of the President ay nag-ugat sa inihaing reklamo laban kay Carandang hinggil sa pagsisiwalat ng mga walang katotohanang impormasyon hinggil sa umano’y unexplained wealth ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya.
Sa panayam kay Carandang noong 27 Setyembre 2017, sinabi niya na hawak na niya ang bank transactions mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa inihaing reklamo ni Sen. Antonio Trillanes IV laban kay Duterte sa Ombudsman.
Itinanggi ng AMLC na may inilabas silang mga dokumento kaugnay sa bank transactions ng mga Duterte taliwas sa pahayag ni Carandang.
“He was clearly only interested to broadcast an information adverse to the President. His keeping mum about an information that was favorable to the President clearly amounted to manifest partiality,” sabi sa utos ng OP.
Bukod sa dismissal from service, iniutos din ng OP na tanggalin ang eligibility ni Carandang, ang kanyang perpetual disqualification from holding public office, at forfeiture ng kanyang retirement benefits.
Naniniwala si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na ang pagkaluklok kay Samuel Martires bilang bagong Ombudsman ay magdaragdag ng ngipin sa kampanya kontra-korupsiyon ng administrasyong Duterte.
Malaki aniya ang tiwala ni Pangulong Duterte sa kakayahan at kredibilidad ni Martires lalo na’t rekomendado siya ng Korte Suprema.
(ROSE NOVENARIO)