ANG nagpahirap sa buhay ng Pinoy – ang TRAIN Law, ay itutulak din ng bagong liderato ng Kamara pero sa ilalim ng ibang pangalan.
Ayon kay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pangalawang yugto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay uunahin ng Kamara pero iibahin ang pangalan dahil ito ay “misleading.”
Ang TRAIN 1 ay sinisisi sa pagtaas ng halos lahat ng presyo ng pangunahing bilihin mula nang naging batas ito sa umpisa ng taon.
Ibinaba nito ang personal income taxes pero itinaas naman ang buwis sa langis, gasolina, sigarilyo, asukal at mga bagong sasakyan.
Ani Arroyo, ang TRAIN 2 ay dapat nang tawaging “corporate income incentives reform.”
Ayaw ni Arroyo ibigay ang eksaktong araw kung kailan ito ipapasa.
Sinabi ni Arroyo, ang pangunahing trabaho niya bilang speaker ay pagpasa ng legislative agenda ng pangulo.
Sa panig ni Deputy Speaker Raneo Abu ng Batangas, isa sa mga awtor ng TRAIN 2, ang panukala ay isang “corrective measure” para ayusin ang mga paulit-ulit na incentives na ibinigay sa mga kompanya na dapat pakinabangan ng mga empleyado.
Nagtanghalian si Arroyo kahapon kasama ang “economic managers” ng gobyerno para pag-usapan ang inflation at kung paano lulutasin ito.
Inilarawan ng bagong Speaker ang miting sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) bilang “a professor to professor discussion on the economy especially to address the inflation” sa tanghaliang kasama sina present Secretaries Carlos Dominguez III ng Finance, Benjamin Diokno ng Budget, Enesto Pernia ng Socioeconomic planning, at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Nestor Espenilla.
Kasama rin sa usapan sina representatives Karlo Nograles (PDP-Laban, Davao City), ang pinuno ng House committee on appropriations; Joey Salceda (PDP-Laban, Albay); at Arthur Yap (PDP-Laban, Bohol).
Hindi sinabi ni Arroyo kung ano ang payong ibinigay niya sa Pangulo upang ayusin ang inflation at sinabing iyon ay sa kanilang dalawa lamang.
ni Gerry Baldo