Monday , December 23 2024

Tita Perla, ‘naiyak’ nang pag-usapan ang dating BF

MASAYA at masarap kakuwentuhan si Ms Perla Bautista, ang bidang babae sa pelikulang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon (Waiting for Sunset) na entry sa 2018 Cinemalaya na mapapanood na simula Agosto 3-12, idinirehe ng premyadong direktor na si Carlo Catu.

Kadalasan kasi kapag presscon na mediacon/blogcon na ang tawag ngayon ay hindi masyadong ini-interview ang mga artistang senior citizen dahil nga support lang sila sa bida o kadalasan ay hindi na sila pinadadalo kasi sayang ang bihis nila.

Anyway, ang kuwento ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon ay tungkol sa mag-asawang nagkahiwalay pero dumating ang panahong kinailangang bumalik ang babae sa lalaki para alagaan dahil maysakit na.

May nagsabing ganito ang kuwento ng isa sa kilalang veteran actress na noong nagkasakit ang asawang artista rin ay inalagaan din niya hanggang sa huling sandali.

Kaya tinanong si Tita Perla kung kaya niyang gawin ito sakaling mangyari sa kanya.

“Out of humanitarian reasons na lang, pero ‘yung love wala na. Nawawala naman ‘yung love, eh.

“Kung ‘yung stranger nga tutulungan mo kapag nangailangan ng tulong, eh, ‘di lalo na kung naging parte ng buhay mo at nagkaroon kayo ng anak,” katwiran ng beteranang aktres.

Ang karakter ni Tita Perla bilang si Teresa sa pelikula ay ganito ang nangyari, pagkalipas ng maraming taon ay inalagaan niya ang asawang maysakit, si Dante Rivero sa papel na Benedicto na may permiso naman ang kasalukuyan niyang kasama na si Celso (Menggie Cobarrubias).

Si Romnick Sarmenta ang anak nina Teresa at Benedicto.

Hindi magkasama sina Tita Perla at Tito Menggie kaya open minded ang huli na kung sakaling bumalik siya kay Dante ay handa niyang tanggapin.

“Martyr ang role ni Menggie rito, pero hindi ma-drama ang kuwento kasi normal lang naming pinag-uusapan ang past namin. Walang iyakan o hagulgulan,” kuwento ng aktres kung paanong atake ang ginawa ni direk Carlo sa mga eksena.

Natanong namin si Tita Perla kung sa mga naging ex-boyfriend niya ay mayroon pa siyang nakakausap o komunikasyon bilang kaibigan.

“Wala na, wala naman,” kaswal na sagot nito, sabay hirit, “Mga naging ex, akala mo naman marami, ‘yun pala isa lang,” sabay tawa kaya nagkatawanan din ang mga kausap niya.

Humirit kami ng tanong kung siya ba ang naging ‘the one that got away’ na boyfriend niya.

Matagal bago nakasagot ang beterenang aktres at parang nangilid ang luha sabay sabing, “hayaan n’yo na lang ‘yun. Huwag n’yo akong paiyakin (sabay punas ng kaliwang mata), hindi naman ako iiyak. May diperensiya itong kaliwang mata ko.

“Hindi wala naman. Wala naman, eh. Pero kaya kong harapin (ex-boyfriend).

“Ako ang the one that got away sa kanya (ex-boyfriend), ako hindi.”

Tinanong namin kung sino ang ex-boyfriend, “huwag n’yo nang isali,” sambit ni Tita Perla.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat kung sino ang ex-boyfriend ni Tita Perla noong kabataan niya na rating artista at government official na ngayon na hangga’t maaari ay ayaw na niyang pag-usapan dahil pareho na silang masaya sa buhay pero sadyang makukulit ang reporters na kausap niya.

MAPRINSIPYO
AT NEVER
TUMANGGAP

NABANGGIT pa ng katoto na si Tita Perla ang sinasabing ‘lucky charm’ ng kanyang ex-boyfriend kapag nakakausap siya ng media sa mga presscon.

“Ah talaga, oo nga.  Lagi niyang (ex-boyfriend) sinasabi sa mga kaibigan namin na lahat ng in-offer niya sa akin wala akong tinanggap,” sabi pa.

Dagdag pa, “hindi kasi ako ‘yung type (babae) na tumatanggap siguro dahil sa prinsipyo ko. Nakatutuwa mabait naman siya. Hindi lang talaga (nagkatuluyan).”

Nagkikita ba sila sa mga event, “hindi kami nagkikita, ha, ha. Matagal na lalo na noong naging Presidente na, (sabay preno dahil nadulas).” Kaya nagkatawanan lalo ang lahat. “Hindi pa talaga kami nagkita.”

Willing namang makatrabaho ni Tita Perla ang ex-boyfriend niya dahil nga professional siya, katunayan, nakagawa sila noon ng pelikulang Kumander Alibasbas (1981) pagkatapos nilang maghiwalay.

“Sixteen years na kaming wala (hiwalay) nang gawin namin ‘yung ‘Kumander Alibasbas.’ Five years kaming naging magkarelasyon,” pagtatapat ni Tita Perla.

Walang naging anak sina Tita Perla at ang nakarelasyon nito, “takot lang niya sa nanay at tatay ko.”

May dagdag kuwento pa si Tita Perla, “may nagtanong sa party, birthday ni Lito Lapid ‘yun. Ano palang siya, Vice President palang, kakandidato palang (pagka-Presidente), sabi ba naman ni Mon Tulfo, kaming apat nandoon, ‘what happened? Anong nangyari sa inyong dalawa bakit hindi kayo ang nagkatuluyan?’ Alam mo kung anong sagot niya (ex-boyfriend), ‘ayaw ng tatay niya sa akin.’ Tapos tinanong ulit ni Mon, ‘hindi kayo nagka-anak? Wala kayong anak?’ ‘Hindi pa kami handa,’” sagot daw ulit ng dating karelasyon ng aktres.

“Siya ang sumasagot, hindi ako sumasagot, ha, ha, ha,” tumatawang kuwento pa ni Tita Pearl.

WALANG CLOSURE
ANG PAG-IIBIGAN

MAY closure ba sila? “Wala. Hindi niya alam kung bakit ako umalis. Hindi niya alam kung bakit ako lumayo. Lahat iyon ay tiningnan ko sa maganda. Lahat may pakialam ang Diyos. Inilayo ako ng Diyos para may ipakitang mas maganda o may nakalaan para sa ‘yo,” paliwanag ng aktres.

Tinanong namin kung inalok siya ng kasal ng dating boyfriend, “hay naku! ‘Yun na nga, eh. Hindi ako ang sinabihan niya ng kasal kundi ang nanay at tatay ko. Ang parents ko ang pinangakuan niya.”

Sabay pakiusap ni Tita Perla, “wala na ‘yun ngayon kasi nanahimik na. Napagkuwentuhan lang.”

Nakatutuwa dahil makulay pala ang buhay pag-ibig ni Tita Perla na noo’y bali-balita lang ang naririnig tungkol sa kanila ng ex-boyfriend niya, at least ngayon galing sa kanya mismo ang buong kuwento.

Samantala, mapapanood ang gala night ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon sa Agosto 8, 9:00 p.m. sa Tanghalang Nicanor Abelardo Cultural Center of the Philippines.

Kasama rin sa pelikula sina Ryan Ronquillio, Jacqueline Cortez, Dunhill Banzon, Stanley Abuloc, at Che Ramos.

Ang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon ay inihatid ng Cineko at CleverMinds Inc., kasama ng CMB Film Services at CG Post Production.

FACT SHEET
ni Reggee Bonoan

About Reggee Bonoan

Check Also

Rufa Mae Quinto Trevor Magallanes

Rufa Mae go-go-go pa rin kahit maraming problema

MA at PAni Rommel Placente MARAMI ang humanga sa pagiging positibo ni Rufa Mae Quinto …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

Atong Ang Sunshine Cruz.

Atong Ang inamin relasyon kay Sunshine

INAMIN ng negosyanteng si Atong Ang na may relasyon sila ng aktres na si Sunshine …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Sen Bong walang nakikitang mali sa mga lalaking takot sa kanilang misis 

MATABILni John Fontanilla MATALINO, mapagmahal, may puso. Ito ang paglalarawan ni Senador Bong Revilla sa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *