READ: Andaya, bagong majority leader: Suarez nanatiling Minority leader
NAUNA rito, tinanggap ng opisina ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang liham ni Marikina Rep. Miro Quimbo tungkol sa kabuuan ng minorya sa Kamara.
Umabot sa 22 ang nakalista bilang miyembro ng minorya.
Ilan sa mga kasama sa listahan ay sina representatives Francis Abaya ng Cavite; Kaka Bag-ao ng Dinagat; Teddy Brawner Baguilat ng Ifugao; Jorge Bolet Banal ng Quezon City; Kit Belmonte ng Quezon City; Christopher de Venecia ng Pangasinan (anak ni dating speaker Jose De Venecia); Edcel Lagman ng Albay; Antonio Tinio ng ACT Teachers party-list; si Isagani Zarate ng Bayan Muna; Tom Villarin ng Akbayan; at Josephine Sato ng Occidental Mindoro.
Pito sa 22 miyembro ay nag-apply para makasama sa minorya.
Ayon kay Quimbo na itinalaga ng grupo bilang minority leader, ang pito ay tinanggap bilang miyembro sangayon sa Rule 2 Section 8 ng Rules of the House.
Wala pang sagot si Arroyo kay Quimbo.
Ngunit may hinala ang ilan sa mga kongresista na mabibigo ang grupo nina Quimbo sa grupo ni Quezon Rep. Danilo Suarez na ayaw umalis sa puwesto niya sa minorya.
Kinuwestiyon nina Quimbo ang pakay ni Suarez na manatili sa minorya sa kabila ng pagsuporta at pagkampanya para kay Arroyo.
Ayon kay Lagman, umalis nang kusa si Suarez sa puwesto niya noong sumuporta siya sa pagtatalaga kay Arroyo bilang House Speaker.
Ang lahat ng sumuporta o bumoto sa Speaker, aniya ay magiging parte ng mayorya alinsunod sa House Rules.
ni Gerry Baldo