KUNG ikokompara sa sport na boxing ay masasabing nagwagi na si dating President Gloria Macapagal-Arroyo dahil naagaw na niya ang pinakamimithing titulo sa House of Representatives mula kay Congressman Pantaleon Alvarez bilang Speaker of the House.
Gayonman ay marami ang nagtaka kung bakit lumalabas na minadali ito at itinaon pa sa araw mismo ng pagbibigay ng State of the Nation Address (SONA) ni President Duterte. Pero kahit buo ang paniniwala ni GMA na dumaan siya sa legal na proseso sa unang panunumpa bilang bagong House Speaker bago dumating si Duterte ay inulit pa rin ito kinagabihan.
Hindi maitatanggi na marami ang naguluhan sa ginawang ito ni Arroyo. Pero sa palagay ng iba, ang bawat hakbang ni GMA ay bahagi ng plantsadong balakin na pinag-aralan nang husto bilang paghahanda sa katuparan ng kanyang mga plano na maging Prime Minister sa oras na matuloy ang planong pagpapalit ng gobyerno tungo sa federalismo na sinusuportahan ni Duterte.
Sa nakitang suporta na nakuha ni Arroyo mula sa mga kaalyado niyang kongresista ay kayang-kaya niyang maisakatuparan ang hangaring ito kung magkakaroon ng ganitong puwesto sa maaaprobahang federalismo.
Kapag naging Prime Minister si Arroyo ay parang nakabalik siya sa tuktok ng kapangyarihan dito sa bansa at puwede pa siyang manatili sa puwesto nang kahit gaano katagal hangga’t patuloy siyang ibinoboto ng mga kaalyado niyang kongresista. Alam naman natin na ang alin mang grupo na may pinakamaraming bilang ang laging nagwawagi sa Kongreso na palagiang numbers game ang batayan.
Sang-ayon man tayo o hindi ay hindi natin masisisi ang sino man kung magduda man sila kay GMA. Ayos lang sana ang lahat kung naging malinis at walang bahid-dungis ang pamumuno ni Arroyo noong siya ang Pangulo.
Pero hanggang ngayon ay sariwa pa sa isipan ng marami ang mga kapalpakan at kalokohan na kinasangkutan noon ni GMA at nangangamba sila sa posibilidad na maulit ang mga ito, lalo na ang pandaraya sa halalan. Pero kung hawak na ni Arroyo ang karamihan ng kongresista na kanya na palang kaalyado ay hindi na kakailanganing magkaroon pa ng dayaan dahil puwede na siyang manatli sa puwesto nang tuluy-tuloy.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.