SIMULA noong 23 Hulyo, nang maging epektibo ang pagtaas ng presyo ng tiket ng mga loteryang palaro ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa 20 porsiyentong pataw na buwis ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law (Republic Act 10963), unang umangal ang gaming public o mga kustomer o kliyente ng mga produktong Lotto, Keno (Digit Games) at Sweepstakes. Dapat nga ay noon pang 8 Hulyo pero nabalam ito dahil kinulang sa preparasyon ang provider.
May mga tumawag pa nga sa akin na ilang kustomer ng Lotto outlets na napakahaba raw ang pila dahil sa hindi pa napapanalunang Ultra Lotto 6/58 na ngayon ay malamang nasa mahigit P300 milyon na. Ang sinasabi kaya mahaba ang pila ay dahil walang baryang piso na panukli sa tinatayaang P24 para sa Lotto, P12 sa Digit Games at Keno, at P6 sa Sweepstakes. Bakit kasi may butal pa, hindi gaya nang dating tinatayaan na P20, P10 at P5.
Dahil ‘yan sa TRAIN law. Wala tayong magagawa kasi nga batas ‘yan na ipinasa ng Kongreso at pinagtibay ng Pangulo ng bansa para sa implementasyon. Kaya pati presyo ng mga pangunahing bilihin o napakaimportanteng pang-araw-araw na konsumo sa transportasyon gaya ng gasolina ay sumirit na. ‘Ansakit sa bangs,’ ‘ika nga ng mga gaya nating millennials.
Sa mga pinuntahan kong Lotto outlets, bukod sa pagpapalabas ng anunsiyo sa publiko na ginawa ng PCSO bago pa man naging batas ang TRAIN may poster na nakadikit sa harapan mismo ng outlets hinggil sa presyong itinaas ng tiket. Pero kahit nakikita ng mga kustomer ang poster ay nagtatanong pa rin kung bakit tumaas. Meron na rin sa poster ang mga katagang nagsasabi na dahil sa TRAIN Law, pero ang tanong pa rin ay bakit? May hugot na hindi agad maipaliwanag ng mga nagtatanong.
Bukod sa pagtaas ng presyo sa mga tiket ng Lotto, napatawan din ng 20% buwis sa panalo kapag ang napanalunan ay P10,000 pataas. Simple, kapag nanalo ka ng P10,000 ay awtomatikong P2,000 ang kaltas na buwis at P8,000 lamang ang iyong maiuuwi, kapag nanalo ka ng jackpot na P100 milyon ay P80 milyon lamang ang iyong maiuuwi dahil ikakaltas na agad ang P20 milyon na buwis.
At sana, sana lang, ang lahat ng buwis na ito ay mapupunta sa Build, Build, Build program ng Pangulong Duterte. Sabagay, sabi nga niya, alingasngas lamang ng kurakutan ay tsugi ka kahit appointee at malapit na kaibigan ka niya.
Ayon kay PCSO General Manager Alexander “Mandirigma” Balutan, tumatabo talaga ang gobyerno ngayon sa buwis pa lamang ng PCSO kada buwan na mahigit P1 bilyon!
Pero kung si Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo “Arnie” Teves Jr., ang tatanungin, e ayaw niyang mapatawan ng buwis ang PCSO. Bakit? Sabi niya, charity institution ang PCSO at ang kinikita nito ay bumabalik naman talaga sa mamamayan sa pamamagitan ng papremyo at pondo para sa kawanggawa. Dagdag niya, napaka-transparent nga ang kasalukuyang pamunuan ng PCSO nang nandiyan na si Mandirigma.
Para sa kaalaman ng publiko, ang salaping nakakalap ng PCSO sa pamamagitan ng mga palarong Lotto, Digit Games at Keno, Sweepstakes, at STL ay 55% dito ay para sa pondo ng papremyo; 30% ay sa pondo ng kawanggawa; at 15% ay sa pondo ng operasyon ng PCSO.
Sabi nga ni Teves, bakit mo bubuwisan ang charity fund ng PCSO e para sa kawanggawa na nga ‘yan. Oo nga naman.
Tanggalin na rin dapat ang mga mandatory contributions ng PCSO sa mga ahensiya ng gobyerno na wala namang kinalaman sa programang kawanggawa para sa mga nagkakasakit na mamamayang Filipino at para sa mga programang pangkalusugan ng gobyerno na mandato ng RA 1169 o ang Charter ng PCSO.
BAGO ‘TO!
ni Florante Solmerin