MAGKAKAROON ng malawakang balasahan sa “chairmanship” ng mga komite sa Kamara simula ngayon (Lunes), ayon kay Deputy Speaker Rolando Andaya.
Ayon kay Andaya, sisimulan ang pagbalasa sa puwesto ng dating majority lider na si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas. Maliban sa puwesto ni Fariñas, apat pa, umanong, mga pinumo ng komite ang papalitan ngayon.
“At kung sino ang mapipili, ‘yon na ang ino-nominate pagdating sa Lunes,” ani Andaya sa panayam.
Ani Andaya, papalitan din ang House Secretary-General na si Cesar Strait Pareja at House sergeant-at-arms (Ret.) Lt. Gen. Roland Detabali.
“Siguro kailangan na po [na magkaroon ng palitan] dahil nagkaroon na tayo ng bagong pinuno, si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para maipagpatuloy na [ang trabaho], kumbaga smooth sailing na, kailangan nang palitan or magkaroon na ng bagong opisyal. Simulan na natin siguro doon sa secretary general at sgt-at-arms. Iyon po ‘yong mga ibinigay sa akin na puwesto na papalitan. Malamang po kasama na din po d’yan ang majority leader,” pahayag ni Andaya.
Dalawa umano ang pinagpipilian na pumalit kay Fariñas – si Andaya at si Rep. Fredenil Castro ng Capiz, ang interim majority leader.
Ang mga loyalista, umano, ni Alvarez ang unang sisibakin kagaya ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, ang chairman ng House committee on justice at si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, ang pinuno ng House committee on good government and public accountability, na nagpakulong sa mga tauhan ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
ni Gerry Baldo