MALAKI ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa New People’s Army (NPA) noon pa man kaya kahit walang armas at bodyguard ay nagpupunta siya sa mga kuta ng rebelde upang makipag-usap sa kanila.
Ito ang pagbabalik-tanaw ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa harap ng mga rebelde na ipinagkatiwala sa kanya ang isang pulis na pinalaya matapos bihagin sa nakalipas na pitong buwan.
“Ibig sabihin, malaki po ang tiwala n’ya sa inyo (NPA), kasi po kahit dalawa lang kami, walang security, walang baril o ano pa man, ay ipinagkatiwala n’ya ang buhay n’ya sa inyo,” ani Go sa mga rebelde sa North Cotabato.
Nanawagan si Go na suportahan ng NPA si Duterte dahil may sinseridad ang Punong Ehekutibo at walang ibang magiging pangulo ang bansa na makakausap at madaling lapitan ng mga rebelde gaya ng dating Davao City mayor.
“Pinili n’yo siya bilang lider, suportahan natin s’ya kasi alam ko po very sincere s’ya. Wala naman ibang magiging pangulo na makakausap mo at madali n’yong abutin,” aniya.
Hindi na mabilang ang mga bihag na pulis at sundalo ng NPA ang nai-turnover ng mga rebelde kay Duterte mula nang alkalde pa siya ng Davao hanggang naging Pangulo na ng bansa.
Bilang patunay ni Go sa paghahangad ni Duterte na umiral ang kapayapaan sa bansa, ang paglagda ng Pangulo sa Bangsamoro Organic Law.
Nagtungo noong Biyernes si Go sa Sitio Apog-Apog, Barangay Panaka, Magpet para sunduin si police Inspector Menardo Cui, naging prisoner of war (POW) noong Disyembre 2017.
Nangako si Go na sasabihin sa Pangulo ang pagnanais ng grupong Exodus for Justice and Peace na ituloy ang peace talks sa rebeldeng komunista.
(ROSE NOVENARIO)