TILA huminto ang ikot ng mundo sa News and Information Bureau (NIB) sa Malacañang kahapon dahil sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.
Natapos ang economic press briefing sa Malacañang nang halos 1:00 ng hapon ngunit walang natanggap na kopya ng transcript nito ang Palace reporters.
Trabaho ng NIB ang i-transcribe ang panayam sa mga opisyal ng Palasyo at maging ang mga press briefing sa Malacañang.
Ilang beses tinawagan ng mga reporter ang opisina ng NIB ngunit walang sumasagot dahil ang mga opisyal at kawani ng kawanihan ay nasa National Printing Office (NPO) at nagpa-party.
Dati-rati’y walang press briefing tuwing Miyerkoles sa Palasyo ngunit mula noong Hunyo ay nagpasya ang PCOO na magkaroon ng “economic press briefing” sa Malacañang Press Corps (MPC) kahit may kanya-kanyang press corps sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na puwedeng mag-interview ng mga opisyal.
Katuwiran nila, mas maiintindihan ng masa kapag sa Palasyo ginawa ang press briefing.
Kahapon ay isinalang ng PCOO si Department of Education Secretary Leonor Briones at Finance Assistant Secretary Tony Lambino sa press briefing.
Imbes mandatory drug test, sinabi ni Briones na kusa na lamang nagpasailalim sa drug test ang 100 DepEd personnel sa central office, 100 sa regional offices, 20,000 high school students sa ilang piling paaralan, at 24,000 libong mga guro.
Bilang dating national treasurer ay naniniwala si Briones na mas makapipinsala kaysa makabubuti kapag sinuspende ang pagpapatupad ng kasalukuyang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Giit niya, walang ibang direksiyong pupuntahan ang pamahalaan kundi ang mangutang kung hindi maipatutupad ang natitirang TRAIN packages.
Umabot sa P6.875 trilyon ang utang ng Filipinas hanggang noong nakaraang Mayo.
Sabi ni Lambino, dapat maalala ng publiko na halos 99 porsiyento ng taxpayers ang tumaas ang take home pay habang malaki rin ang nakuhang revenue ng gobyerno mula sa katas ng excise tax na ipinataw mula sa sweetened beverages at unhealthy products gaya ng sigarilyo.
Sa kanyang SONA noong Lunes, nanawagan si Pangulong Duterte sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng apat pang TRAIN packages.
(ROSE NOVENARIO)