INAAYOS ng Palasyo ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Israel sa darating na Setyembre.
“There will still be a joint official announcement on the dates in September,” ayon kay Special Assistant to the President Christopher ‘Bong” Go sa text message sa Palace reporters. Noong Mayo 2017 ang unang schedule ng Israel visit ni Duterte ngunit naunsyami dahil sa Marawi siege.
Inaasahang tatalakayin sa pulong nina Duterte at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ang mga kasunduan hinggil sa agrikultura at seguridad pati ang pagkakaroon ng Israel-PH direct flight.
Sinabi ni Go na maaaring sa darating na Oktubre magtungo si Duterte sa Kuwait depende sa schedule ni Sabah Al Ahmad Al Jaber.
Nauna nang sinabi ni Duterte na personal siyang magpapasalamat sa Emir dahil sa pagpayag sa mga ibinigay niyang kondisyon para sa maayos na trato sa overseas Filipino workers (OFWs) gaya ng pagbuo ng special unit sa kanilang pulisya na makikipagtulungan sa Philippine Embassy kaugnay sa mga reklamo ng mga Pinoy na puwedeng magresponde nang 24 oras at isang special number na puwedeng tawagan para humingi ng ayuda. (R. NOVENARIO)