INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang isang lalaking nakasuot ng uniporme ng militar at nagpakilala bilang miyembro ng New Peoples Army habang gumagala sa lugar malapit sa eryang pinagdarausan ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan Pambansa complex kahapon.
Sa report ni QCPD director, C/Supt. Joselito Esquivel Jr., kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang nadakip ay kinilalang si Daniel Ronquillo Magtira, 57, residente sa New Antipolo St., Brgy. 213, Zone 10, Tondo, Maynila.
Ayon kina PO1 Jonnel Ammasi, PO2 Jayson Balansi, at PO1 Aldrich Salmasan, pawang nakatalaga sa QCPD Tactical Mobile Unit, dakong 9:00 am, namataan nila si Magtira habang nakasuot ng uniporme ng Philippine Army at naka-backpack na may nakasulat na CPP-NPA, at palakad-lakad sa kanto ng Commonwealth Ave. at Zurzuareggui St., Brgy. Old Balara, Quezon City.
Bunsod nito, sinita nila si Magtira, at hinanapan ng identification card para patunayang isa siyang sundalo ngunit walang maipakita ang suspek. Alibi ni Magtira, ang kanyang kasuotan ay costume lamang niya.
Agad inaresto si Magtira at dinala sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU). Habang iniimbestigahan, nagwala at hinubad ni Magtira ang kanyang suot na uniporme at pinagpupunit ang mga dokumentong inihanda para sa pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Nakompiska sa suspek ang anim na tarpaulin na may nakasulat na “Laban Peoples Power. Vote Magtira for Senator,” at may markang DRM1 hanggang DRM6, isang handbag na may markang DRM7, back–pack bag na may nakasulat na CPP-NPA at may markang DRM8, Philippine Army camouflage na may markang DRM9 at DRM10, camouflage t-shirt na may markang DRM 11, combat boots na may markang DRM12, at mga retraro ni Magtira.
Siya ay kinasuhan ng paglabag sa Article 179 (Illegal Use of Uniforms or Insignia), Article 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of such Person) ng the revised Penal Code at RA 493.
(ALMAR DANGUILAN)