READ: Bicam report sa BOL niratipikahan ng Senado
READ: Collateral damage
WALANG naipagmayabang na Bangsamoro Organic Law ang Malacañang dahil sa sinabing ‘intramurals’ sa pagitan ng mga kaalyado ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Imbes ipasa ang BOL, nag-adjourn ang sesyon upang mawalan ng pagkakataon ang mga nagtangkang patalsikin si Alvarez na ilathala ang isyu ng speakership.
Binuksan ni Alvarez ang Third Regular Session kahapon at nanawagan na magkaron ng Charter Change at Federal Government.
Inaasahan na pagkatapos ay magtatalumpati at pagbobotohan ang BOL, pero hindi ito nangyari.
Nanahimik, umano, ang Kamara hangang ini-adjourn ni Deputy Speaker Gwendolyn Garcia.
Ayon kay Rep. Antonio Tinio ng Alliance of Concerned Teachers party-list, ang mga kongresista ay nasa gitna ng mga miting para pag-usapan kung paano mapapatalsik si Alvarez.
Dapat iratipika ng Kamara ang BOL bago ito mapirmahan ni Duterte. Nauna nang niratipika ito ng Senado bago magtanghali kahapon.
Ayon kay Rep. Tom Villarin, “In bad taste” ang pagkakaisangtabi ng BOL.
Marami aniyang mga panukalang batas ang masasakripisyo kung patuloy ang ‘intramurals’ sa Kamara.
Ani Villarin, ito ang unang pagkakataon na biglang nahati ang isang nakaupong administrasyon tungo sa palapit na eleksiyon.
Kadalasan, aniya, ang pagpalit ng speaker ay nangyayari kung malapit na matapos ang termino ng mga nakaupo.
Halata, ani Villarin na ang BOL ay naging biktima ng girian sa gitna ni Mayor Sara Duterte at ni Alvarez.
ni GERRY BALDO