VINDICATED si Vhong Navarro sa kasong rape na isinampa laban sa kanya ng modelong si Deniece Cornejo. Tuluyan na kasing ibinasura ito ng Department of Justice (DOJ). Base sa desisyon ng nasabing sangay ng gobyerno, hindi nila pinayagan ang apela ni Deniece na baligtarin ang naging review resolution ng DOJ Prosecutor’s General noong September 6, 2017.
Matatandaang binaligtad ng DOJ prosecutors ang naunang rekomendasyon ng korte na kasuhan ng panggagahasa si Vhong. Noon pang April, 30, 2018 inilabas ng DOJ ang desisyon tungkol sa kasong ito, ngunit nito lamang Huwebes, July 12, nakakuha ng kopya ang ABS-CBN News.
Base sa 20-pahinang desisyon ng DOJ, walang matibay na ebidensiya ang kampo ni Deniece upang sampahan ng kasong rape si Vhong. Ang nakasaad sa desisyon, ”There is no sufficient evidence to warrant indictment for rape and attempted rape, there is no compulsion to indict him accordingly. Cornejo suffers from a very serious credibility issue due to major inconsistencies.”
For the record, inihabla ni Deniece si Vhong ng kasong panggagahasa noong January 2014. Sa kanyang unang affidavit, sinabi niyang walang rape na nangyari. Ngunit sa kanyang pangalawang affidavit, sinabi niyang sapilitan siyang ginahasa ni Vhong. At sa kanyang ikatlong affidavit, sinabi nito na may nangyari talagang panggagahasa dahil siya ay parang nahilo dahil sa alak na may halong droga na ipinainom sa kanya ng TV host actor.
MA at PA
ni Rommel Placente