READ: Palasyo natuwa: Reeleksiyon kay Duterte negatibo sa Fed Consti
BULAG umano ang gobyerno sa hirap na magiging dulot ng itinutulak nilang federalismo.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin magkakaiba ang mga sinasabi ng mga tauhan ng gobyerno kaugnay sa itinutulak na federalismo.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga opisyal niya, uunlad ang bayan sa ilalim ng “federal government” pero ayon sa pinuno ng National Economic Development Authority na si Sec. Ernesto Pernia, lalong maghihirap ang bansa bunsod nito.
Ani Pernia sa isang panayam, madidiskaril ang pag-unlad ng ekonomiya dahil sa federalismo.
Dagdag niya, lima lamang sa mahigit 15 rehiyon na sasailalim sa federalismo, kabilang ang National Capital Region, Cebu, Central Luzon, at Southern Tagalog, ang puwedeng makayanan ang bagong sistemang ito.
Maliban sa limang rehiyon, lahat ng iba ay maghihirap, ani Pernia.
Ani Villarin, ang magulong polisiya ng gobyerno ay hahantong sa gulo.
Pagkatapos, aniya, bulabugin ang piskal at patakarang pananalapi na naging sanhi ng krisis sa inflation, itinutulak na naman umano ang bansa sa pagbago ng saligang batas at sistema ng gobyerno.
Binatikos din ni Rep. Gary Alejano ng Magdalo Party-List, ang pilit na pagbabago sa Saligang Batas at sa sistema ng gobyerno sa kabila ng pag-ayaw ng tao.
Aniya wala pa sa panahon ang chacha.
“Ipinipilit ng iilan sa taongbayan ang isang bagay na ayaw nila at hindi man lang lubos na alam,” ani Alejano.
(GERRY BALDO)