KALABOSO ang dalawang Japanese nationals makaraan makompiskahan ng 10 piraso ng pekeng $100 bills at at tinangkang suhulan ang dalawang imbestigador ng P50,000 halaga sa Makati City, noong Lunes ng hapon.
Iniharap sa media nina Southern Police District (SPD) director, C/Supt. Tomas Apolinario, Jr., at Makati City Police chief, S/Supt. Rogelio Simon ang mga suspek na sina Noa Shimegi, 27, at Yoshitaka Yamamoto, 48, pansamantalang nanunuluyan sa Unit 210 Hop-In Hotel sa Makati Avenue ng lungsod.
Sa pahayag ng biktimang si Amalia Yamat, kahera ng Emelda Money Changer sa kanto ng Kalayaan Avenue at Mariano Street, Brgy. Poblacion, dakong 3:00 pm nang magpapalit ang mga suspek ng 10 piraso ng $100 bills na nahalata niyang peke.
Para matiyak, ipina-check niya sa banko ang pera at nang madiskobreng peke ay agad niyang isinuplong sa mga awtoridad ang mga suspek naging dahilan para sila arestohin ng mga pulis.
Ngunit tinangkang suhulan ng mga suspek ng halagang P50,000 ang mga pulis na sina SPO3 Alejandro Devalid at Jemcie Acosta ng Makati City Police, kaya nadagdagan ang kanilang kaso.
Ayon sa mga suspek, ang dolyar ay ipinalit sa kanilang yen ng isang Asian looking man.
Ang mga suspek ay sasampahan ng possession of counterfeit US dollars at bribery.
(JAJA GARCIA)