NAGBABALIK-pelikula si Vhong Navarro kasama ang kanyang sariling brand ng comedy sa pamamagitan ng Unli Life, ang pinakabagong handog ng Regal Entertainment Inc..
Ang Unli Life rin ang official entry ng Regal sa Pista ng Pelikulang Pilipino Film Festival.
Noong isang taon, nagbigay-saya si Vhong sa kanyang pelikulang Mang Kepweng Returns at ang blockbuster hit movie nila ni Lovi Poe na mula rin sa Regal Entertainment, ang Woke Up Like This.
Sa Unli Life, tiyak na muling pasisiyahon ng talented comedian ang movie goers sa kanyang impeccable comic timing at witty dialogues.
Hindi na rin naman kakwestiyon-kwestiyon ang galling ni Vhong sa komedya dahil ginagawa niya ito sa loob ng 26 taon. Nakagawa na siya ng sariling marka sa comedy genre at ang kanyang tema ng pagpapatawa ay inihahalintulad na kay Hollywood star Jim Carrey.
Ginagampanan ni Vhong sa Unli Life, ang manliligaw/BF ni Winwyn Marquez na nabigyang pagkakataong ayusin ang nangyaring break-up nila sa pamamagitan ng pagbalik sa nakaraan sa tulong ng magic whiskey, o ang “wishkey.”
Sa pag-inom ni Vhong ng wishkey, dinala siya sa iba’t ibang panahon tulad ng Dinosaur Era, Magellan, at ’70s era, para ayusin ang pagkakamali at maiwasan ang paghihiwalay nila ng kanyang GF.
Ipinakikita sa pelikula kung paanong handang magsakripisyo ang isang tao para lamang maibalik ang nawalang pagmamahalan.
Ang Unli Life naman ang pagbabalik-pelikula ni Winwyn, matapos siyang tanghaling Reina Hispanoamericana 2017. Ito rin ang first major role bilang leading lady ni Win sa isang pelikula.
Ang pelikula ay idinirehe ni Miko Livelo, second full-length commercial directorial movie niya. Bago ito’y naging writer at director siya ng 2013 indie film na Blue Bustamante at ng ilang mga television series.
Bida rin sa Unli Life sina Joey Marquez, Ejay Falcon, Donna Cariaga, Jon Lucas, Isabelle de Leon, Alex Calleja, Kamille Filoteo, Red Ollero with James Caraan, Anthony Andres, at Jun Urbano. May special participation din dito sina Dimples Romana, Joem Bascon, Jun Sabayton, Epi Quizon, at Jhong Hilario.
Ang Pista ng Pelikulang Pilipino ay magsisimula sa August 15 hanggang 21.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio