HINIHINALANG dahil sa utang sa casino kaya nagpakamatay ang isang 27-anyos Chinese national sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-21 palapag ng tinutuluyang condominium sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Namatay noon din ang biktimang si Frank Sunk Quan, may asawa, tubong Beijing, China, dating HR manager ng Midas Casino Hotel at pansamantalang tumutuloy sa Unit 2108 Tower B, Antel Condominium, Roxas Boulevard Service Road, Pasay City.
Sa ulat ni Pasay City Police chief, S/Supt. Noel Flores, dakong 6:40 pm nang mangyari ang insidente sa nasabing condominium sa Brgy. 76 sa Pasay City.
Sa kuwento ng isang occupant na si Rodelio Villafuente Almanza, habang nanonood siya ng telebisyon sa kanyang sala ay nakarinig siya nang malakas na kalabog mula sa galvanize na bubong ng kanyang unit.
Agad niya itong tiningnan at inalam kung ano ang kumalabog doon.
Nalaman niya sa guwardya na may tumalon mula sa ika-21 palapag at bumagsak sa bubungan ng kanyang unit sa ikalimang palapag.
Agad dumating sa pinangyarihan ng insidente ang dating employer ng biktima na si Lin Xiong Jie, HR Manager ng Midas Casino Hotel, residente sa Unit 1416, 14th floor Tower B, Antel Condominium ng naturang lungsod.
Napag-alaman, nabaon umano sa utang dahil sa pagsusugal sa casino ang naturang dayuhan.
Patuloy na nag-iimbestiga ang pulisya upang mabatid kung may foul play sa insidente.
(JAJA GARCIA)