UMAASA ang Palasyo na maisasabatas ang panukalang Magna Carta for Barangay kapag inaprobahan ng sambayanang Filipino ang proposed Federal Constitution.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang tunay na pagkilala sa kahalagahan ng papel ng mga opisyal ng barangay ay kilalanin sila bilang mga empleyado ng pamahalaan na nakasaad sa Magna Carta for Barangay.
“Well, inaasahan po natin iyan na maisasabatas pa rin iyan, dahil importante naman po na tayo ay patungo na sa Federalismo at kinikilala natin iyong importansiya ng mga lokal na mga pamahalaan. So iyan po ay pagkilala na talagang dahil napaka-importante ng papel ng ating mga barangay official, kilalanin natin sila bilang full time empleyado ng ating gobyerno,” ani Roque.
Nakasaad sa panukalang batas na tatanggap ng suweldo bilang mga kawani ng pamahalaan ang mga barangay chairman at mga kagawad at bibigyan din sila ng mga kaukulang benepisyo gaya ng pagiging miyembro ng GSIS, Philhealth at Pag-Ibig.
Ang tatanggaping sahod ng barangay chairman ay katumbas ng 80% ng suweldo ng konsehal ng bayan.
Matatandaan, unang ipinanukala noong 2001 ang Magna Carta for Barangay ni dating Sen. Aquilino Pimentel, Jr., isa ngayon sa miyembro ng 22-man Consultative Committee na nagbalangkas ng proposed Federal Constitution.
(ROSE NOVENARIO)