READ: Amyenda sa Party-list Law iginiit
NANAWAGAN ang mga militanteng kongresista sa administrasyon na itigil na ang kilos para sa pag-amyenda sa 1987 Constitution matapos ang resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia Survey na nagsasabing dalawa sa tatlong Filipino o 67 porsiyento nito ay ayaw sa pag-ikot ng Konstitusyon.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Akbayan Rep. Tom Villarin, Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. Antonio Tinio at Gabriela Rep. Emmi de Jesus dapat ikonsidera ng gobyernong Duterte ang damdamin ng mga Filipino sa Federalismo at iba pang kilos para baguhin ang Konstitusyon.
Nagbabala si Zarate sa mga nagtutulak ng “self-serving Charter change” na malinaw ang pagtutol ng mga tao sa chacha.
Aniya karamihan sa mga tao ay ayaw sa chacha at darami pa ito habang nailathala ang mga hindi makataong probisyon nito.
Ani Villarin, lahat ng survey ay nagsasabi na ang karamihan ay ayaw sa chacha ngayon at sa mga darating na panahon.
Ang pagpilit nito, ani Villarin, ay magdudulot ng “political instability” na lalong gugulo sa krisis pang ekonomiya na ginawa ng administras-yon.
Umaalingasaw, aniya, ito ng pagka-arogante at pagkawala ng paki-ramdam ng gobyerno sa kalagayan ng mga taong nahihirapan sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin at mga patayan sa pekeng “war on drugs.”
Sa panig ni Tinio, ang Pulse Asia survey ay nagpapakita ng matinding pagtutol sa Charter change at federalismo.
Para kay de Jesus, ang nasabing survey ay nagpapakita ng kawalan ng tunay na panawagan para baguhin ang Konstitusyon.
Aniya, pilit na isinusubo ito sa mamamayan.
“Lalong nalalantad ang pakanang Cha-cha bilang isang self-serving na hakbang ng rehimen, lalo pa’t may pahayag ang liderato ng Kamara hinggil sa pagpapaliban ng eleksiyon. Panawagan namin sa kababaihan at sa mamamayan na ipakita ang pagtutol sa Cha-cha sa pamamagitan ng paglahok sa malaking pagkilos sa ikatlong SONA (State of the Nation Address) ni [Pangulong Rodrigo] Duterte,” ani de Jesus.
Sinabi ng Pulse Asia, sa survey na ginawa noong 15 Hunyo hangang 21 Hunyo, 67 porsiyento ang ayaw sa chacha.
Sinabi rin sa survey na habang 55 porsiyento ang may alam na may mga kilos sa pag-amyenda ng Konstitusyon, 74 porsiyento ay may kaunting pagka-alam sa nasabing Konstitusyon.
(GERRY BALDO)