READ: Amyenda sa Saligang Batas iatras na — solons
MATAPOS ilabas ang mga Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ng mga mambabatas, iginiit ni Akbayan Rep. Tom Villarin na kailangan nang amyendahan ang batas na nagsasakop sa party list system.
Ayon kay Villarin, kailangan nang amyendahan ang party-list law upang matanggal ang mga “political butterflies” at ang mayayaman, sa sistema na nakalaan sa marginalized sector.
“Kailangan nang i-amend ang party-list law na naglalayong magkaroon ng representasyon ang bawat sector, ang pinakadiwa ng batas ay para sa mga “under-represented” o “marginalized groups,” ani Villarin na bunga ng party-list system.
Lumabas sa balita na ang pinakamayamang miyembro ng Mababang Kapulungan ay nagmula sa party-list groups.
Sinisi ni Villarin ang Korte Suprema sa pag-interpreta sa Batas (RA 7941) ng party-list na nagpahina sa tunay na intensiyon nito.
Ayon kay Villarin nakasaad sa Saligang Batas na ang Party-List seats ay limitado sa mga sektor na tinutukoy sa Section 5(2) of Article VI ng Konstitusyon na sinabing 20 porsiyento ang alokasyon ng party-list sa kabuuhan na miyembro ng Kamara.
Kalahati, umano, sa alokasyon ng mga party-list ay ilaan sa sektor ng “labor, peasant, urban poor, indigenous cultural communities, women, youth, and such other sectors as may be provided by law, except the religious sector.”
Ani Villarin, ang Saligang Batas at ang RA 7941 na nakasasaklaw sa party-list system ay hindi nangangahulugan na kasama ang ‘non-sectoral parties’ kasama ang mga bilyonaryo na pinayagan ng Korte Suprema sa desisyon nito kamakailan.
Lumabas sa SALN ng mga kongresista na ang pinakamayamang miyembro ng Kamara ay nagmula sa hanay ng party-list na pinangungunahan ni 1-Pacman Rep. Michael Romero na may halagang sobra sa P7-bilyon kasunod si Diwa Rep. Emmeline Aglipay Villar na nagkakahalaga ng P1.5-bilyon.
(GERRY BALDO)