ITINANGGI ni Vice Ganda na ang kaibigang basketbolistang si Terrence Romeo ang pinaringgan niya ng, ”hi kamusta, presinto?” sa July 13-episode ng It’s Showtime.
Ayon sa sagot ni Vice sa amin, ”nagbibiruan kami, message-message para sa mga ex mo. It’s not pertaining to anyone bahala na kayo mag-isip? I’m sure gusto ninyong marinig na para kay Terrence Romeo ‘yun. Hindi po, hindi ‘yun para sa kanya.”
Sa nasabing Showtime episode ay nabanggit ng contestant na puwedeng maging kaibigan ang ex na hindi inayunan naman ni Vice dahil hindi totoo. Aniya, puwedeng magkakilala at mag-usap pero hindi na sila okay.
Balik-tanong naman ni Vhong Navarro kay Vice, ?Kung may pagkakataon lang na mag-hi ka sa kanya, puwede bang mag-hi ka?”
Sabi kaagad ni Praybeyt Benjamin, ”hi kamusta, presinto?”
Nagtawanan ang lahat kaya naging trending ang sinabing ito ng TV host/comedian dahil nagkataon na ang kaibigan niyang si Terrence ay nasangkot sa isang gulo sa bar sa Morato, Quezon City na dinala raw sa presinto.
Itinanggi ni Terrence na nakulong siya base na rin sa tweet niya.
Nakatsikahan namin si Vice pagkatapos ng storycon nitong Biyernes, Hulyo 13 para sa pelikulang Fantastica na entry ng Star Cinema atViva Films sa Metro Manila Film Festival 2018 na pagbibidahan ni Vice kasama sina Richard Gutierrez, Donny Pangilinan, Kisses Delavin, Maymay Entrata, Edward Barbers, Chocolate, MC, Lassy, Jacklyn Jose, Dingdong Dantes, Bela Padilla at iba pa mula sa direksyon ni Barry Gonzalez.
Speaking of direk Barry ay tinanong namin si Vice na bago ang direktor niya ngayon.
“Si Barry ang magdidirehe sa akin. Nakatrabaho ko na siya kasi assistant director ko siya rati kay Direk Wenn Deramas sa mga pelikula ko kaya magkagamay na magkagamay na kami. Kaya noong binanggit na si Barry ang direktor ko okay kaagad ako kasi alam na niya ‘yung mga ganap ko sa pelikula kasi sa pelikula naman AD (assistant director) halos ang katiktakan (kausap) dahil ‘yung direktor nasa booth kaya siya (AD) lagi ang kasama ko sa set.
“Pero si direk Joyce (Bernal) pa rin ang creative consultant namin at siya pa rin ang mag-e-edit at saka si Moira (Lang). May inputs din ako sa pelikula kasi inire-require nila (Star Cinema) ako parati,” kuwento sa amin.
Masaya si Vice dahil pasok sa MMFF 2018 ang mga pelikula ng mga kaibigan niyang sina Coco Martin kasama si Vic Sotto (Popoy En Jack: The Pulisincredibles) at Anne Curtis (Aurora). ”Ang saya nga kasi magkakaibigan kaming pumasok. Ang saya ng float, magkakawayan kaming lahat.”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan