IPINATATANGGAL na ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa kaniyang mga tagasuporta ang mga nakapaskil na posters, tarpaulin at billboards ng kanyang mukha, ilan sa mga ito ay nanghihikayat na tumakbo siya sa 2019 elections.
Ito ay sa harap nang patuloy na pagbatikos kay Go dahil sa umano’y maaga niyang pangangampanya, na nakikita mula sa mga nakapaskil na billboards at tarpaulin.
Binatikos ng mga kritiko ng administrasyon, partikular ni Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang billboards ni Go at sinabing humihingi umano ang opisiyal ng pondo sa kaniyang mga tagasuporta para sa maagang kampanya.
Gayonpaman, iginiit ni Go na wala siyang kinalaman sa nasabing mga billboard at tarpaulins.
Binigyang diin ng kalihim na hindi siya katulad ng ibang grupo na puwersahang nanghihingi ng pondo sa mga indibiduwal o negos-yante para maisulong ang kanilang pansariling interes.
Kasabay nito ang paggiit ni Go na hindi siya intresado sa pagtakbo dahil marami aniyang trabaho pa ang kailangang gawin.
(ROSE NOVENARIO)