DUMISTANSYA ang Palasyo sa panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na iliban ang midterm elections sa susunod na taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nananatili ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang nakasaad sa 1987 Constitution na idaos ang halalan sa nakatakdang petsa.
“Gaya nang paulit-ulit na nating sinabi, ang Presidente po ang tagapagpatupad ng ating Saligang Batas; hanggang hindi po mababago ang petsa ng halalan na nakasaad sa ating Saligang Batas, ipatutupad po ‘yan ng Presidente – matutuloy po ang eleksiyon ng 2019,” ayon kay Roque sa press briefing kahapon sa Palasyo.
Ang tanging posibilidad na maunsyami ang 2019 midterm elections ay kapag naratipika nang maaga ang panukalang Federal Constitution, ibig sabihin ay wala nang bisa ang 1987 Constitution.
“Ang only possibility po e kung ma-ratify nang mas maaga itong proposed new constitution in which case na ‘87 Constitution would cease to have legal effect ‘no, pero habang wala pa pong bagong Saligang Batas sisiguradohin po ng Presidente magkaka-eleksiyon,” ani Roque.
Binigyan diin ni Roque, ang desisyon kung itutuloy o hindi ang eleksiyon ay nasa kamay ng Ehekutibo at hindi ng Kongreso.
(ROSE NOVENARIO)