ANG panawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ipagpaliban ang eleksiyon sa May 2019 ay wala sa hulog.
Ayon kay Rep. Teddy Baguilat ng Ifugao, nagpapakita itong manhid ang administrasyong Duterte sa mga pangangailangan ng taongbayan.
Ang kailangan, aniya, ng mga tao ay pigilan ang inflation, taasan ang mga sahod, trabaho, lutasin ang kahirapan, labanan ang korupsiyon, at igiit ang soberanya ng Filipinas sa teritoryo nito.
Ang mga Filipino ayon sa mga nakalipas na survey ay ayaw sa charter change at walang alam sa federalismo.
Ang pangunahing dahilan, ani Baguilat, kung bakit pinalitan si Sen. Koko Pimentel bilang Senate President ay pagtulak sa “no election.”
“Si Sen. Koko ay pro cha-cha, con-ass at federalismo, pero hindi siya sang-ayon sa ‘no-election scenario’,” ani Baguilat.
Magkaiba aniya ang timetable ni Alvarez at ni Pimentel kaya siya pinalitan.
Ani Baguilat ang pamumuno ni Pimentel sa Senado ay makadidiskaril ng NO-EL scenario.
ni Gerry Baldo