NANAWAGAN si Rep. Aniceto “John” Bertiz III ng ACTS OFW Party-List na magbitiw sa puwesto ang kasamahan ni Undersecretary Mocha Uson na si Assistant Secretary Kris Ablan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) dahil sa pagkakalat umano ng ‘fake news’ na nagbaluktot sa sinabi niya nitong nakaraang “pre-SONA forum” na ginanap sa Philippine International Convention Center.
Aniya, ang ginawa ni Ablan ang nagbigay kay Labor Secretary Silvestre Bello ng pagkakataon na siraan ang pangalan at pagkatao niya.
“Wala ako roon at hindi man lang ako nakapagdepensa sa sarili ko o makapagpaliwanag. Bilang isang halal na miyembro ng Kamara at nag-iisang kinatawan ng mga OFW, hindi nararapat ang paglapastangan ng kapwa ko opisyal mula sa ehekutibo,” pahayag ni Bertiz.
Ganito umano ang mga sinabi niya: ”The Philippines under the administration of President Rodrigo Roa Duterte, has made significant gains promoting [the] welfare of overseas workers and their families… So your honorable ladies and gentlemen, what are we doing so that the migrants and overseas employment will no longer be a necessity but a choice. Wala po tayong nakikita ngayon sa Tatak Pagbabago in regards to … ‘yung plano ng ating mahal na Presidente tungkol sa 10 milyong overseas Filipinos worldwide.”
Ang tanong aniya kung bakit sa presentation ng economic cluster, wala man lang nabanggit tungkol sa kanilang plano para sa mga OFW.
“Hindi ko tinira si Presidente. Pinuri ko pa siya. Hindi ko sinabing walang proyekto ang gobyerno para sa OFWs. Ang sabi ko lang bakit sa presentation sa First Pre-SONA, ‘di man lang nabanggit ang economic development plan na saklaw ang OFWs. At sinagot naman iyon nang maayos ng economic team,” ani Bertiz.
Ang problema, aniya, doon sa Second Pre-SONA, binuhay at iniba nang husto ni Assistant Secretary Ablan ang aking simpleng katanungan.
Ito umano ang sinabi ni Ablan:
“This was raised in the previous Pre-SONA Forum. What are the projects … raised by Congressman Bertiz of Party-List OFW po … What are the projects of the Duterte administration for our overseas Filipino workers? It seems from their perspective, wala raw pong projects ang Duterte Administration para po sa mga OFW, pakilinaw naman po…”
“Wow, super mali!” ani Bertiz sa isang press briefing kahapon.
“Asec Ablan, ang layo naman ng original statement ko sa tanong na sabi mo ay galing sa akin,” ani Bertiz.
“Moderator ang papel mo sa Pre-SONA forum, hindi commentarist!” dagdag ni Bertiz.
Dahil sa nagawa ni Ablan, binatikos aniya siya ni Bello.
ni Gerry Baldo