ISINIWALAT ng Palasyo, nag-apply muli na maging miyembro ng gabinete si Vice President Leni Robredo bago nagpasya na maging pinuno ng oposisyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, umaasa ang Malacañang na malinaw na ang papel ngayon ni Robredo matapos sumubok muli na maging bahagi ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi binanggit ni Roque kung anong posisyon sa gabinete ang nais na masungkit ni Robredo na hindi nakuha.
“Sinabi naman namin e importante rin ang oposisyon sa demokrasya. Pero good luck po, at sana po ay malinaw na ang papel ni Leni Robredo dahil nitong kailan lamang po e parang nag-a-apply muli siya sa Gabinete ni Presidente. So, ngayon at least mayroon na siyang desisyon na sa oposisyon na siya at hindi na siya umaasa na makapasok muli sa Gabinete ng ating Pangulo,” ani Roque.
Matatandaan, sinibak ni Pangulong Duterte si Robredo bilang housing czar noong Disyembre 2016 dahil sa pagkakasangkot niya sa destabilisasyon laban sa administrasyon.
Tiniyak kamakalawa ni Duterte, hindi niya ipamamana kay Robredo ang Palasyo dahil walang kakayahan ang bise-presidente na pamunuan ang bansa.
Sinabi ng Pangulo, hindi siya magbibitiw sa puwesto para ipalit sa kanya si Robredo bagkus ang hirit niya sa Consultative Committee at Kongreso ay dagdagan ng probisyon sa panukalang Federal Constitution na magdaos ng eleksiyon para sa magsisilbing transition president.
(ROSE NOVENARIO)