TATANGGAPIN ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayon sa Palasyo ang panukalang Federal Constitution na binalangkas ng Consultative Committee na inatasang magrepaso sa 1987 Constitution.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang naturang okasyon ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagtupad ng pangako ni Pangulong Duterte na gawing federal ang uri ng gobyerno mula sa unitary.
Umaasa aniya ang Palasyo na tututukan ito ng Kongreso kasabay nang paghahanda na isumite ang mga pagbabago sa Constitution sa sambayanang Filipino bilang constituent assembly.
“This is a significant step towards realizing PRRD’s promise to shift to a federal form of government. Were hoping that Congress will give it much weight as it prepares to submit proposed revisions to the Constitution to the people as a constituent assembly,” ani Roque.
Ang panukalang Fed Con ay bunga nang mahigit apat-na-buwan deliberasyon ng 22 miyembro ng ConCom na pinamunuan ni dating Chief Justice Reynato Puno.
Matatandaan, inaprobahan ng ConCom ang draft Fed Con at ang pinakatampok ang paglikha ng 18 federal states at ang bawat isa ay magkakaroon ng kinatawang dalawang senador.
Ipagbabawal din sa bagong Saligang Batas ang political dynasty, ngunit mananatili bilang pinuno ng bansa ang pangulo at bise presidente na ihahalal bilang tandem gaya sa Amerika.
Parehong may 4-year term ang Pangulo at bise presidente na puwedeng maiboto muli para sa isa pang termino.
Noong Biyernes ay inihayag ni Pangulong Duterte na nais niyang isama sa probisyon ng bagong Konstitusyon na tapusin ang kanyang termino sa panahon ng transition sa federal mula sa unitary upang pabulaanan ang akusasyon ng mga kritiko na nais niyang palawigin ang pagkaluklok sa Palasyo.
(ROSE NOVENARIO)